Daughters of Saint Paul

MAYO 4, 2021– MARTES SA IKALIMANG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Jn 14:27-31

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo; ibinibigay ko sa inyo ang aking kapayapaan. Hindi tulad ng pagbibigay ng mundo ang pagbibigay ko nito sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong mga puso; huwag kayong matakot. Narinig ninyong sinabi ko sa inyo: ‘Paalis ako, subalit pabalik ako sa inyo.’ Kung minahal ninyo ako, magagalak sana kayo sa pagpunta ko sa Ama, sapagkat mas dakila sa akin ang Ama. Ngunit sinasabi ko na ito ngayon sa inyo bago mangyari, upang maniwala kayo kapag nangyari ito. Hindi ko na kayo kakausapin nang mahaba, sapagkat parating na ang pinuno ng mundo. Wala siyang inaari sa akin, ngunit dapat malaman ng mundo na mahal ko ang Ama, at kung anong iniutos sa akin ng Ama, ito mismo ang aking ginagawa.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat Sr. Nina Caccam ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo.  Madalas nating sinasabi sa tuwing may nagpapaalam na “mas madali ang umaalis kaysa iniiwan.  Sa ating buhay, siguradong naranasan na natin na tayo ang umalis o tayo naman ang iniwan. Sa parehong kalagayan, isa lang ang ipinababatid sa atin ng Kristong muling nabuhay: KAPAYAPAAN!  Sa di maipaliwanag na sitwasyon ng paglisan at ang maiwanan, ang regalo ng kapayapaan ay ipinagkakaloob sa taong walang sawang umaasa at nagtitiwala.  “Huwag mabalisa ang inyong puso ni mangamba” wika ni Hesus. Isang hamon ito sa ating pananampalataya kasabay ang pangako na Siya’y magbabalik. Alam naman nating hindi siya tuluyang mawawala dahil ang Kanyang presensiya ay patuloy nating mararanasan. Kaya mga kapatid, kalma lang…. sa oras na parang hindi mo maramdaman ang Panginoon sa tabi mo, patuloy ka lang manampalataya sa Kanyang pangako, na hindi ka Niya iiwanan dahil mahal na mahal ka Niya. Ganunpaman, ang kanyang paglisan na ating narinig sa Mabuting Balita ay ang pagpunta Niya sa Kanyang Ama sa langit na alam naman nating magdudulot sa atin ng grasya, na Siya mismo ang magkakaloob sa atin./ 

PANALANGIN

Panginoon ng kapayapaan, gawin mong payapa ang puso naming nababahala. Hinihiling po naming kami’y mapuspos ng tunay na pagpapala na dulot ng iyong muling pagkabuhay nang sa gayon kami’y lubos na magtiwala. Amen.