Daughters of Saint Paul

Mayo 5, 2018 Sabado sa Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

JUAN 15:18-21

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung napopoot sa inyo ang mundo, alamin n’yo na ako muna bago kayo ang kinapootan nito. Kung kayo’y mula sa mundo, inibig na sana ng mundo ang sariling kanya. Ngunit napopoot sa inyo ang mundo dahil hindi kayo mula sa mundo kundi ako ang humirang sa inyo mula sa mundo.  “Tandaan n’yo ang sinabi ko sa inyo: ‘Walang utusang mas dakila sa kanyang panginoon.’ Hindi ba’t inusig nila ako? Uusigin din kayo. Tinupad ba nila ang aking salita? Gayon din nila tutuparin ang sa inyo. Dahil sa ngalan ko nila gagawin ang mga ito laban sa inyo, sapagkat hindi nila nakikilala ang nagpadala sa akin.”

PAGNINILAY:

Kapanalig, naranasan mo na bang kutyain, pagtawanan at tawaging outdated dahil sa iyong pananampalataya?  Naranasan mo na bang itakwil ng iyong mga kaibigan dahil ayaw mong sumang-ayon sa kanilang masasamang gawain? O di kaya naranasan mo nang manganib ang buhay, mawalan ng trabaho o maipit sa sitwasyon dahil ayaw mong sumang-ayon sa sistema ng katiwalian at pagsasamantala sa opisinang iyong pinagtatrabahuhan? Kung Oo ang sagot mo sa mga katanungang ito, hindi ka nalalayo sa karanasan ng Panginoong Jesus, ng mga alagad at ng mga banal na taong inusig, pinahirapan at pinatay dahil sa paninindigan nila sa tama na siyang tawag ng ating pananampalataya.  Tunay ngang kapopootan at itatakwil tayo ng mundo kung sasalungat tayo sa masamang kalakaran nito.  Kaya nga sinabi ng Panginoon sa Ebanghelyo ngayon na “Kung napopoot sa inyo ang mundo, alamin n’yo na ako muna bago kayo ang kinapootan nito.”  Kung isa kang dating makasalanan na nagsisikap ituwid ang buhay at pilit na nagpapakabuti – maraming tuksong aali-aligid sa’yo. At kung hindi matibay ang iyong panlabang Espiritwal, babalik ka sa dati mong gawi. Marami ding taong magdududa at magkukwestiyon sa iyong mabuting hangarin, at kung sila’y iyong mga barkada, sisikapin nilang mahulog ka muli sa bitag ng pagkakasala.  Mga kapanalig, hinango na tayo ng Panginoon sa pagkalublob sa kasalanan.  Sa Kanyang pagkabuhay na mag-uli, nakikisalo rin tayo sa Kanyang bagong buhay at tagumpay sa kasalanan.  Pinalalakas Niya ang ating panlabang espiritwal sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na nananahan sa ating puso.  Paano mo ba pinahahalagahan ang dakilang handog ng Diyos na kaligtasan?  Panginoon, kasihan Mo nawa ako ng Iyong Banal na Espiritu nang lagi kong piliin kong ano ang tama, mabuti at kalugod-lugod Sa’yo.  Amen.