Daughters of Saint Paul

Mayo 6, 2024 – Lunes sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay     

BAGONG UMAGA

Magandang araw ng Lunes mga kapatid/kapanalig! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Atin nang pagnilayan ang Ebanghelyo ayon kay San Juan kabanata labinlima, talata dalawampu’t anim hanggang kabanata labing-anim talata apat.

Ebanghelyo: Jn 15:26—16:4

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kapag dumating ang Tagapagtanggol na aking ipadadala sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmumula sa Ama, iyon ang magpapatotoo tungkol sa akin. At magpapatotoo rin kayo sapagkat kasama ko kayo mula sa simula. “Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang huwag kayong matisod at mahulog. Palalayasin nila kayo sa kanilang komunidad, at parating na ang oras na waring nag-aalay ng handog sa Diyos ang sinumang papatay sa inyo. At gagawin nila ito dahil hindi nila nakikilala ang Ama ni ako. Kaya naman sinasabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang pagdating ng oras at matandaan ninyong sinabi ko ito sa inyo.”

Pagninilay:

Isinulat po ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.

Si Jesus mismo ang nagsabi na totoo ang Paraklito, ang Espiritu ng Diyos na nagmula sa Ama. Hindi agad natanggap ng mga alagad ang Espiritu sapagkat kasama pa nila ang ating Panginoong Hesus. Ang Espiritu ang saksi ni Hesus, at ang mga alagad ni Hesus naman ang magiging saksi Niya kapag si Hesus ay pumaroon na sa langit kapiling ng Ama. Mahalaga sa mga alagad ni Hesus ang presensya at gabay ng Espiritu sa kanilang pagpapalaganap ng Salita ng Diyos. Ang bunga ng panahon ng kanilang pagkilala kay Hesus ay nakasalalay sa kanilang katatagan sa pagpapatunay na ang Panginoong Hesus ay tunay sa Anak ng Diyos Ama. Magiging matatag din tayo sa ating pagsunod at pagsasabuhay ng aral ni Hesus sa tulong at gabay ng Banal na Espiritu. Sa sakramento ng kumpil tinanggap natin ang bunga na dulot ng Banal na Espiritu: pag-ibig, kasiyahan, kapayapaan, pagtitiis, kagandahang-loob, kabaitan, pagtitiwala, kaamuan at pagtitimpi. Mga kapanalig, kapatid hanggang sa ating panahon ay patuloy pa rin ang pag-uusig sa mga Kristiyano sa iba’t ibang dako ng mundo. Ipanalangin natin na mapuspos sila, at ang ating sarili, ng lahat ng kaloob ng Espiritu Santo. Harinawang manatili tayong matatag at walang takot na sumaksi sa ating Panginoong Hesus. Makita nawa sa ating buhay ang larawan ng pag-ibig ng Diyos sa buong sangkatauhan at sangnilikha. Amen.