BAGONG UMAGA
Mapagpalang araw ng Miyerkules mga kapatid/kapanalig! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Atin nang pagnilayan ang Ebanghelyo ayon kay San Juan kabanata labing-anim, talata labindalawa hanggang labinlima.
Ebanghelyo: Jn 16:12–15
Marami pa sana akong sasabihin sa inyo pero hindi ninyo masasakyan ngayon. Ngunit pagdating niya, ang Espiritu ng katotohanan, ihahatid niya kayo sa buong katotohanan.
Hindi siya mangungusap mula sa ganang sarili kundi ang naririnig niya ang ipangungusap niya at ang mga bagay na darating ang ibabalita niya sa inyo. Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo, at sa gayon niya ako luluwalhatiin. Akin ang tanang sa Ama. Dahil dito kaya ko sinabing ‘Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo.’
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Sr. Lourdes Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Nakakita na ba kayo ng bagong silang na sanggol na kumain na ng tapsilog? Wala di ba? Gatas lang ang ibinibigay sa kanya dahil yon pa lamang ang kayang tanggapin ng kanyang katawan. Kapag lumalaki na ang bata saka pa lamang sya pakakainin ng malambot na solid food na kaya nang tanggapin ng kanyang katawan, hanggang sa makaya na niyang kumain ng kanin. Kapanalig, ganito rin sa buhay pananampalataya. Unti-unti ang pagpapakilala sa atin ng Diyos depende sa ating kakayahang tanggapin at unawain ang kanyang mensahe. Sabi ni Jesus sa verse 12 “Marami pa akong sasabihin sa inyo, datapwat hindi ninyo matitiis ngayon”. Ito ang gampanin ng Spiritu Santo sa ating buhay pananampalataya- ang tulungan at gabayan tayong unawain at tanggapin ang mahihirap na turo at pahayag ni Jesus. Our knowledge and relationship with God must progress as we grow in age and wisdom. Naalala ko noong bata pa ako, halos lahat yata ng hiniling ko sa Diyos ay ibinigay Nya. Minsan nga iniisip ko pa lang binibigay nya na. Nang madre na ako, hindi nya na binibigay lahat. Sabi ng isang classmate ko, kasi noon, nililigawan ka pa lang ng Diyos, ngayong sinagot mo na sya hindi nya na ibibigay lahat. Sometimes, our faith is tested. Mamahalin at susundin pa ba natin ang Diyos kung hindi nya ibigay ang ating kahilingan? O magtatampo tayo at lalayo na sa Kanya? Kapanalig, habang lalo nating nakikilala ang Diyos, lalo ring lalalim ang ating pananampalata at relasyon sa Kanya. Patuloy nating hingin sa banal na Spiritu na patuloy tayong gabayan sa ating buhay pananampalataya nang ito ay lalo pang lumago at lumalim.
