EBANGHELYO: Jn 15:9-17
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Katulad ng pagmamahal sa akin ng Ama, gayundin naman ang pagmamahal ko sa inyo. Manatili kayo sa pagmamahal ko. Kung tutuparin ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa pagmamahal ko katulad ng pagtupad ko sa mga utos ng aking Ama at ng pananatili ko sa kanyang pagmamahal. Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang kagalakan ko, at maging ganap ang galak ninyo. Ito ang utos ko: Magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. Wala nang pagmamahal na hihigit pa kaysa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa mga kaibigan niya. Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo itinuturing na mga utusan sapagkat hindi alam ng utusan kung ano ang ginagawa ng kanyang panginoon. Itinuring ko naman kayong mga kaibigan sapagkat ipinaalam ko sa inyo ang lahat ng narinig ko mula sa aking Ama. Hindi kayo ang humirang sa akin kundi ako ang humirang sa inyo at itinalaga ko kayo para matagpuang namumunga, at manatili ang bunga ninyo. At ipagkakaloob sa inyo ng Ama anuman ang hilingin ninyo sa kanya sa Ngalan ko. Iniuutos ko nga sa inyo na magmahalan kayo.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Paolo Asprer ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. (Anong klaseng kaibigan ka? Nakikipagkaibigan ka ba dahil sa pangangailangan? O dahil sa pansariling kasiyahan? O nakabatay ba ang iyong pakikipagkaibigan sa kabutihan at pag-ibig ng Diyos? Kailangan ng bawat isa ng mga mabuti at tapat na kaibigan. Kung minsan nga lang, abala tayo sa pagkakaroon ng mga kaibigan, hindi sa pagiging isang tunay na kaibigan.) Ang Panginoong Hesus ang ating pinakadakilang kaibigan. Nang inialay niya ang kanyang buhay sa krus, ipinakita niya ang kalaliman ng pag-ibig ng Diyos at ang pagiging palagay natin sa kanyang pakikipagkaibigan. (Winika niya, “wala nang pagmamahal na hihigit pa sa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa kanyang mga kaibigan” (Jn 15:13).Sinuman na nagtitiwala kay Hesus bilang kanyang Tagapagligtas, gayundin ang sumusunod sa mga dakilang utos ng Diyos at tinatanggap ang bagong buhay mula sa kanya, ay mga kaibigan ni Hesus.) Madaling mahalin ang mga taong kaibig-ibig. Madaling pakisamahan ang mga taong pumupuri o sumusunod sa atin. Pero paano ang mga nananakit, nang-aapi, o walang pakialam sa atin?// Mga kapatid, dakila ang pakikipagkaibigan ni Hesus dahil inialay niya ang kanyang buhay para sa lahat maging sa mga taong nagsadlak sa kanya sa kamatayan. Ipinakita niya na ang Kristiyanong pag-ibig ay hindi batay sa nararamdaman (feelings) at nagugustuhan (pleasure) lang, kundi sa malayang pag-ibig, pagpapatawad, at paghiling sa kabutihan at kaligtasan ng minamahal. Amen.