Daughters of Saint Paul

MARSO 2, 2022 – MIYERKULES NG ABO

Mapagpalang Araw ng Miyerkules. Naiiba ito sa lahat ng Miyerkules dahil ngayon ay Miyerkules ng Abo.   Dakilain natin ang Diyos! Simula na ng Kuwaresma! Kulay Lila na ang ating pagdiriwang-liturhikal.  Mapapansin natin sa panahong ito na bubusugin tayo ng  Salita ng ating Mahal na Maestrong Hesus. Lalo na ngayon, araw ng pag-aayuno at pag-aalay ng sakripisyo.   Nakahanda ba tayong sumunod sa Kanya sa araw na ito?  Ito ang inyong kapanalig, Sr. Gemma dela Cruz ng Daughters of St. Paul ,nag-aanyayang ihanda na natin ang puso at isip sa pakikinig sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata anim, talata unang talata hanggang anim, at labing-anim hanggang labingwalo.  

EBANGHELYO: MATEO 6: 1-6, 16-18

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat na hindi maging pakitantao lamang ang inyong mabubuting gawa. Kung ganito ang gagawin n’yo wala na kayong gantimpala sa inyong Amang nasa Langit. Kaya pag nagbibigay ka ng limos, huwag pahipan ang trumpeta sa unahan gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa sinagoga at sa mga daan; gusto nilang mapuri ng mga tao. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila ng husto. Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Amang nakakakita sa mga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo. Kung mananalangin kayo, huwag n’yong tularan ang mga mapagkunwari. Gustung-gusto nilang tumayo sa mga sinagoga o sa mga daan para manalangin nang nakikita ng marami. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo. Pag mag-aayuno kayo, huwag magpakita ng lungkot sa mukha gaya ng mga mapagkunwari. Nagpapakita sila ng lungkot sa mukha para makita ng tao na nag-aayuno sila. Talagang sinasabi ko sa inyo na nagantipalaan na sila nang husto. Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili sapagkat hindi ka nag-aayuno na pakitantao lamang kundi para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang nakakakita sa lahat ng lihim.”

PAGNINILAY

Kapanalig, paano ka magpahayag ng iyong pananampalataya? Tuwing darating ang panahon ng Kuwaresma, na sinisimulan natin sa araw na ito – Miyerkules ng Abo, ipinapaalala sa atin ang tawag para sa isang buhay na banal at kalugud-lugod sa Diyos. Inaanyayahan muli tayo na palalimin, payabungin at isagawa ang ating buhay pananampalataya. Muling ipinapa-alala ng panahong ito ng kuwaresma ang tatlong mahahalagang haligi ng buhay ng kabanalan: panalangin, pag-aayuno at mabubuting gawa. Madaling sabihin na may pananampalataya tayo. Oo, nagdadasal tayo. Sana, ipinagdarasal din natin ang isang tunay na pagbabago ng ating mga puso at sarili. Oo, nag-aayuno tayo at nagsasakripisyo. Sana, kasabay ng hindi natin paggawa ng mali ay ang paggawa naman ng mabuti na nakatutulong sa ating kapwa.  Tandaan natin na magkakaugnay ang Pananalangin, Pag-aayuno at Mabubuting gawa. Sa ating pagsisikap isabuhay ang mga haliging ito, dapat laging mababakas ang tunay na Kabanalan na may matapat na diwa, dalisay na puso at mga kamay na pinagpapala ang kapwa. Mga kapanalig, ating alalahanin, bagamat nasa panahon pa tayo ng Pandemya, na lagi’t laging mayroong pagkakataon upang tumugon sa tawag ng kabanalan, at maipahayag – maisabuhay ang ating pananampalataya. Amen.