Mt 5:1-12a
Nang makita ni Jesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo siya roon at lumapit sa kanya ang mga alagad. At nagsimula siyang magturo sa kanila:
“Mapapalad ang mga may diwa ng dukha sapagkat kanila ang kaharian ng langit.
“Mapapalad ang mga nagluluksa sapagkat pagiginhawahin sila.
“Mapapalad ang mga di marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain.
“Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat
bubusugin sila.
“Mapapalad ang mga maawain sapagkat kakaawan sila.
“Mapapalad ang mga may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos.
“Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak
ng Diyos.
“Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang kaharian ng langit.
“Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo. Ganito rin pinag-usig ang mga propetang nauna sa iyo.”
PAGNINILAY
Kung pakikinggang muli ang Ebanghelyo, parang sinasabi nito na kailangan muna nating maging kawawa para lamang maging mapalad. Pero ito nga ba ang nais ipahiwatig ng Mabuting Balita? Taun-taon, tuwing ika-isa ng Nobyembre, dinaragsa ng mga Pilipino ang iba’t ibang sementeryo. Ito kasi ang araw kung kailan mas inaalala natin ang mga yumao nating mahal sa buhay. Ito rin ang araw kung kailan ginugunita natin ang lahat ng mga santo sa langit na hindi kabilang sa opisyal na listahan ng Simbahan. Sila yung mga kinalugdan ng Panginoon. Sa ibang salita, sila ‘yung mga mapapalad. Nangangahulugan ba nito na sila’y naging kawawa? Hindi! Ang mga santo, hindi mga kawawang nilalang. Oo, may ilan na inapi, kinawawa, inalipusta. Pero wala ni isa man ang kinailangang maging kawawa para lamang makapasok sa langit. Kung ganoon, paano sila naging mapalad? Simple lang. Sinunod nila ang kalooban ng Diyos at naging Jesus sa iba. Kapatid, hindi mo kailangang maging kawawa para ika’y maging mapalad o para ika’y mabilang sa hanay ng mga banal. Ang kailangan mo lang maging Jesus sa iba… maging Jesus sa isip, sa salita, at sa gawa. Ngayong Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal, hilingin natin sa Ama ang grasya upang ang puso nati’y maging kawangis at kahambing ng puso ng Kanyang Bugtong na Anak.