Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 1, 2020 – LINGGO Dakilang Kapistahan ng Lahat ng Mga Banal (ABK)

EBANGHELYO: Mt. 5:1-12

Nang makita ni Jesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo siya roon at lumapit sa kanya ang mga alagad. At nagsimula siyang magturo sa kanila: “Mapapalad ang may mga diwa ng dukha sapagkat sa kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad ang mga di marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain. Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin sila. Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawan sila. Mapapalad ang may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos. Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos. Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang kaharian ng langit. Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo. 

PAGNINILAY:

Mg kapatid, ngayong panahon ng pandemya, sino ang maituturing mong mapapalad? Sila ba ang taong mayayaman, makapangyarihan, sikat at tinitingala sa lipunan? O, ang mga taong may malalim na pananalig sa Diyos, hindi natitinag sa kabila ng kakulangan sa buhay, dahil may Diyos silang kinakapitan, may pamilyang kaagapay, habang sabay-sabay na nakikipagbuno sa epekto ng sakit na covid. Pansinin natin ang naidulot na pagbabago ng covid-19 sa ating buhay… di ba nawalan ng halaga ngayon ang mga makamundong pinahahalagahan natin? Kahit may pera ka ngayon, limitado ang stocks ng mga bilihin; hindi ka na makapag travel saan mo man gustuhin, dahil sa banta ng nakamamatay na sakit./ Kahit pinagkalooban ka ng magandang mukha at kagwapuhan, hindi mo na ito maipagmamalaki, dahil parati ka nang naka-mask at nasa bahay lang; at kapag dinapuan ka ng covid at hindi mo ito nalagpasan, mauuwi lang sa isang dakot na abo, ang katawang lupa/ na matagal mong iningatan at inalagaan./ Kahit may mga signature kang damit, sapatos, bag at iba pang magagarang kagamitan, hindi mo na rin ito maipagmamayabang, dahil ka wala nang social functions na madadaluhan.//  Sa madaling salita, nawalang saysay ang mga makamundong pinahahalagahan natin ngayong panahon ng pandemya. At ang pinakamahalaga, ay ang estado ng ating kaluluwang makikipagharap sa Diyos, sa oras ng kamatayan.  Mapalad din kaya tayo sa harap ng Diyos? Makakasama kaya tayo sa hanay ng mga banal na pinararangalan natin sa araw na ito?