Daughters of Saint Paul

Nobyembre 10, 2016 – HUWEBES Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon / San Leo Magno, papa at pantas ng Simbahan

Lk 17:20-25

Tinanong si Jesus ng mga Pariseo kung kailan darating ang paghahari ng Diyos at sumagot siya:  “Hindi lantaran ang pagdating ng kaharian ng Diyos; hindi masasabing ‘Narito o naroon,' nasa inyo na nga ang Kaharian ng Diyos.”

            Sinabi ni Jesus sa mga alagad:  “Darating ang panahon na pananabikan n'yong makita ang isa sa mga pagpapakita ng Anak ng Tao at hindi n'yo naman makikita. At may magsasabi sa inyo ‘Narito siya, naroon.'  Huwag kayong pupunta, huwag maghahanap. Sumisiklab nga ang kidlat at nagniningning mula sa isang dako ng Langit hanggang sa kabila, gayundin naman ang Anak ng Tao sa araw ng kanyang pagdating. Ngunit kailangan muna niyang magtiis nang marami at itakwil ng mga tao sa kasalukuyan.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, malinaw ang pahayag ni Jesus sa Ebanghelyong ating narinig – nasa atin na nga ang Kaharian ng Langit.  Samakatuwid, ang Kaharian ng Langit na Kanyang tinutukoy hindi isang lugar na makakamit lamang natin kapag tayo’y namayapa na.  Kundi ito’y isang estado ng buhay na kung saan namamayani ang katarungan at pagmamahal.  Sa ating pang-araw-araw na buhay maraming pagkakataong nararanasan na natin ang Kaharian ng Langit sa pamamagitan ng pagmamahal na ipinadama sa atin ng mga mahal sa buhay, mga kaibigan, kamag-anak o kasamahan sa trabaho.  Ang kanilang kabutihan, pagmamalasakit at pagtulong sa atin sa panahon ng kagipitan at pagsubok tanda ng paghahari ng Diyos dito sa lupa.  At sa tuwing nananaig ang katarungan sa anumang sitwasyong ating kinasasangkutan – tanda din ito ng paghahari ng Diyos.  Halimbawa, ang pagtrato sa kapwa ng pantay-pantay, ang pagbibigay ng tamang pasahod sa mga manggagawa, at ang pananaig ng katotohanan sa mga kaso at usapin sa lipunan – tanda lahat ito ng paghahari ng Diyos.   Mga kapatid, Bagama’t sa huling paghuhukom pa natin mararanasan ang lubos na katuparan ng pangako ng Diyos – ang makasalo Siya sa kaluwalhatian ng buhay na walang hanggan – ang mga karanasan natin sa kasalukuyan na nangingibabaw ang katarungan, pagmamahal at kapayapaan, mga patikim na ng maluwalhating buhay na ito.  Manalangin tayo.  Panginoon, kasihan Mo po ako ng Iyong Banal na Espiritu nang lagi kong sikaping manaig ang katarungan, pagmamahal at kapayapaan sa aking buhay.  Gamitin Mo po akong buhay na saksi ng Iyong paghahari sa kasalukuyang panahon.  Amen.