EBANGHELYO: LUCAS 20:27-38
Lumapit noon ang ilang Sadduseo na mga taong tutol sa pagkabuhay. At itinanong nila kay Jesus: “Guro, isinulat ni Moises para sa amin: ‘Kung may magkakapatid na lalaki at namatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ng kanyang kapatid ang kanyang asawa para magpasibol ng supling sa kanyang kapatid.’ Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Kinuha ng pangalawa ang biyuda, at pagkatapos ay ng pangatlo naman, pero hindi nagkaanak ang pito. Namatay sila at sa bandang huli’y namatay rin ang babae. Sa pagkabuhay, kanino sa pito siya maituturing na asawa? Ang pito nga ang umangkin sa kanya.” Sinagot sila ni Jesus: “Nag-aasawa ang mga taong nasa daigdig na ito, lalaki man o babae. Ngunit hindi na mag-aasawa ang mga ituturing na karapat-dapat sa kabilang-buhay at sa pagkabuhay ng mga patay, lalaki man o babae, Hindi na nga sila mamamatay. Kapantay na sila ng mga anghel at mga anak sila ng Diyos matapos silang ibangon. Tiyak na may pagkabuhay ng mga patay; ipinahiwatig ito kahit na ni Moises sa kabanata ng palumpong nang tawagin niyang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob ang Panginoon. Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, at buhay na kasama niya silang lahat.”
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyo ngayon, hindi nakakagulat na gawing katawa-tawa ng mga Sadduseo and usapin tungkol sa “muling pagkabuhay” dahil hindi naman talaga sila naniniwala dito. Pero para sa ating mga Kristiyano, tayong mga naniniwala sa muling pagkabuhay at sa buhay na walang hanggan, nauunawaan ba natin ng lubos ang ating pinaniniwalaan? Sa totoo lang, malaking bahagi ng paniniwala natin na may kinalaman sa kabilang buhay, mga haka-haka lamang. Oo, nakatitiyak tayo na may buhay pa pagkatapos ng buhay natin sa mundong ito. Pero kung anong meron doon, (bukod sa nandoon ang Diyos), kung ano ang hitsura ng mga bagay doon at kung ano ang kalagayan doon, wala tayong katiyakan. Mga kapanalig, ang paglalakbay natin sa buhay na ito patungo sa buhay na walang-hanggan, isang paglalakbay sa pananampalataya, pagtalima, at pag-asa sa Diyos. Patuloy tayong umaasa kahit hindi man natin nakikita ang ating inaasahan dahil Sa pag-asa nagaganap ang ating pagliligtas, at kung nakikita na ang inaasahan, tapos na ang pag-asa, pwede bang asahan pa ang nakikita na? Gayunpaman, hindi tayo maaaring magwalang-bahala. Sabi nga, sa wikang Ingles, “As one lives, so does one dies.” Samakatuwid, upang magkaroon tayo ng makabuluhang kamatayan, sikapin nating maging makabuluhan ang buhay natin ngayon. Amen. – Sr. Lines Salazar, fsp