Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 10, 2021 – MIYERKULES SA IKA-32 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lc 17:11-19

Habang papunta si Jesus sa Jerusalem, dumaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. At pagpasok niya sa isang nayon, may sampung lalaking may ketong ang lumabas para salubungin siya. Tumayo ang mga ito sa malayo at tumawag nang malakas: “Jesus, Guro, maawa ka sa amin.” At sinabi naman sa kanila ni Jesus. “Umalis kayo at humarap sa mga pari.” At nangyari na gumaling sila habang naglalakad. Isa sa kanila ang agad na nagbalik nang makita niyang gumaling siya, at pasigaw niyang pinuri ang Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus, sa pagpapasalamat sa kanya. Isa siyang samaritano. Kaya sinabi ni Jesus: “Tumayo ka, iniligtas ka ng iyong pananampalataya.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, isang napakagandang aral tungkol sa pasasalamat ang nais ituro sa atin ng Ebanghelyo. Sampung ketongin ang pinagaling ng Panginoong Hesus! At para sa mga ketonging ito, tiyak na ang kagalingang tinanggap nila ay isang bagay na pinaka-aasam-asam nila.  Pero sa kabila ng napakagandang kaloob na ito, isa lamang sa sampung pinagaling ng Panginoon ang bumalik upang magpasalamat sa Diyos. At ang lalong nakapagtataka, isang Samaritano pa na itinuturing na mortal na kaaway ng mga Judio ang nakaalalang magpasalamat; hindi ang siyam na Judiong pinagaling din.  Kung tayo naman kaya ang tatanungin, nagpapasalamat din ba tayo sa Diyos sa mga biyayang tinatanggap natin mula sa Kanya? O puro lamang tayo hingi para sa iba’t ibang pangangailangan. Naaalala lamang ang Diyos kung tayo’y nagigipit at may problema?  Mga kapatid, suriin natin kung paano tayo manalangin. Nagpapasalamat ba tayo sa kagandahang loob ng Diyos sa atin araw-araw?  Tulad ng biyayang magising muli para harapin ang bagong araw! Sa panahong ito ng pandemya, napagtanto natin kung gaano kahalaga ng buhay, ang mabuti nating kalusugan, ang sama-samang pagtutulungan at pag-iingat upang hindi mahawaan ng nakamamatay na virus. Napagtanto natin kung gaano kaikli at panandalian ang buhay. Sa isang kisap-mata, maaring mawala ito.  Kaya magpasalamat tayo sa Diyos kung buhay pa tayo hanggang ngayon. Ang tunay na kaligayahan ay nasa pusong mapagpasalamat at marunong kumilala sa mga bagay na ginagawa ng Diyos para sa atin.  Sa katunayan, hindi naman kailangan ng Panginoon ang pasasalamat ng siyam na iba pang ketongin.  Mabubuhay Siya at mananatiling Anak ng Diyos kahit na hindi sila magpasalamat. Nalulungkot ang Panginoon hindi para sa Kanyang sarili, kundi para sa siyam na hindi nagpasalamat, dahil hindi nila nakita na ang kagalingang tinanggap nila ay bunga ng kapangyarihan ng Diyos.  Tumanggap sila ng himala, pero hindi naman nila nakita ito bilang tanda ng paghahari ng Diyos.  Gumaling nga ang kanilang katawan, pero nanatiling may sakit ang kanilang kaluluwa

PANALANGIN

Panginoon, dagdagan Mo po ang aking pananampalataya nang makita ko ang Iyong mahiwagang pagkilos sa aking buhay. Amen.