BAGONG UMAGA
Magandang-magandang araw ng Biyernes ginigiliw kong kapatid kay Kristo. Ito po muli ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Ika-sampu ngayon ng Nobyembre, ginugunita natin si San Leo Magno, papa at pantas ng simbahan. Siya ang kauna-unahang Santo Papa na tinawag na “Dakila.” Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito, at sa tulong ng kanyang panalangin hilingin nating maging matalino tayo sa paggawa ng paraan, na siyang hamon ng Ebanghelyong maririnig natin ayon kay San Lukas kabanata labing-anim, talata isa hanggang walo.
EBANGHELYO: Lk 16:1-8
Sinasabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “May katiwala ang isang mayaman, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng katiwala ang kanyang kayamanan. Ipinatawag niya ito at sinabi sa kanya: ‘Ano itong naririnig ko tungkol sa iyo? Magsulit ka sa akin ng iyong pangangasiwa dahil hindi ka na makapangangasiwa.’ At inisip ng katiwala: ‘Tatanggalin ako ngayon sa pangangasiwa ng aking panginoon. Ano ang gagawin ko? Kulang ako ng lakas para magbungkal ng lupa, nahihiya naman akong magpalimos. Ah, alam ko na ang gagawin ko. At pagkatanggal sa akin sa pangangasiwa, may mga magpapatuloy sa akin sa kanilang mga bahay.’ Kaya tinawag niyang isa-isa ang mga may –utang sa kanyang panginoon. Tinanong niya ang una: ‘Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’ Sumagot ito: ‘Sandaang galon ng langis.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang resibo mo, maupo ka agad at isulat mo: Limampu.’ Tinanong naman niya ang ikalawa: ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sumagot siya: ‘Sanlibong takal ng trigo.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang iyong resibo at isulat mo: ‘Walundaan.’ Hinangaan ng panginoon ang matalinong paggawa ng di matuwid na katiwala. Mas matalino nga ang mga taong makamundo sa pakikitungo sa mga gaya nila kaysa mga tao ng liwanag.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Gemmaria dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebangheyo. Magaling. Magaling ang Katiwala. Nagbigay siya ng discount sa patubo sa mga nangungutang sa kanila. Pinagaan niya ang kanilang utang. Ginawa niya ito dahil nalaman na ng may-ari ang ginagawa niyang pandaraya. Ite-terminate na siya. Mahusay siya, maabilidad. Bumilib nga ang ating Hesus Maestro sa style niya, dahil advance siyang mag-isip. Take note. Magkaiba ang mahusay, sa mabuti. Naiiba rin ang maabilidad, sa matuwid. Hindi pinupuri ng Diyos ang dishonesty ng katiwala. Hindi rin Niya tayo ini-encourage na gawin iyon. Ang gustong ipaliwanag sa atin ay kailangan tayong maging magaling para na rin sa ating benefit. Hindi dito sa lupa kundi para sa buhay sa kabila. Oo, nagkasala tayo. Nadisplease natin ang ating Panginoon, dahil natuon tayo sa makamundong yaman, makamundong relasyon, makamundong kapangyarihan. Ang mahalaga, at the moment, may plan of action, at constant ang mabubuting strategies para ma-redeem ang nagawa nating mali. Para hindi na rin natin maulit ang kasalanan nating nagawa. Mag-invest tayo para maging welcome tayo sa eternal home ng ating Ama.