Daughters of Saint Paul

Nobyembre 11, 2016 BIYERNES Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon / San Martin ng Tours, obispo

Lk 17:26-37

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad:  “Tulad ng nangyari sa panahon ni Noe, gayundin sa mga araw ng Anak ng Tao. Kumakain sila at umiinom, nag-aasawa ang mga lalaki at mga babae, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong at dumating ang baha na pumuksa sa lahat. Tulad sa panahon ni Lot:  kumakain sila at umiinom, nagtitinda at namimili, nagtatanim at nagtatayo. At nang lumabas si Lot mula sa Sodom, nagpaulan ang Diyos mula sa Langit ng apoy at asupre na pumuksa sa lahat.  Ganito rin sa araw na ibubunyag ang Anak ng Tao.

            “Sa araw na iyon, huwag nang bumaba pa sa bahay ang nasa terasa para kunin ang kanyang mga gamit at huwag nang umuwi pa ang nasa bukid. Alalahanin n'yo ang asawa ni Lot. Mawalan ng kanyang sarili ang sinumang nagsisikap na magligtas nito at ang mawawalan naman ng sarili ang magsisilang nito sa buhay.

            “Sinasabi ko sa inyo: kung may dalawa sa isang higaan sa gabing iyon, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa; kung may dalawang babaeng magkasamang gumigiling, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa.”  At itinanong naman nila:  Saan, Panginoon?”  Sumagot siya:  “Kung nasaan ang katawan, doon nagtitipon ang mga buwitre.”

PAGNINILAY

Sa sinabi ni Jesus na “Mawawalan ng kanyang sarili and sinumang nagsisikap na magligtas nito, at ang mawawalan naman ng sarili ang magsisilang nito sa buhay – dalawang uri ng buhay ang ipinahahayag ng pananalitang ito:  ang buhay dito sa lupa, at ang tunay na buhay sa kabila pagkatapos ng kamatayan.  May malaking kaugnayan ang dalawa, dahil ang patuloy na pag-iral sa kabila, nakasalalay sa kung anong uri ang buhay natin dito sa lupa.  Kung magpapakasasa tayo sa ligayang makalupa na parang wala ng Langit at impiyerno, malamang na mapahamak tayo sa bandang huli.  Sa kabilang banda naman, kung magsisikap tayong laging nakatuon sa tunay na kahariang makalangit – at iaayon ang ating buhay at pagkilos sa kalooban ng Diyos – tatamuhin natin ang tunay na buhay sa piling ng Diyos.  Sinasabing ngang pagdating ng takdang panahon na makikipagharap tayo sa Diyos sa paghuhukom, susulitin Niya tayo sa diwa ng pagmamahal.  Hindi Niya tayo tatanungin sa materyal na yaman, tagumpay at katanyagan na ating tinamo – kundi kung paano tayong namuhay sa diwa ng tunay na pagmamahal.  Panginoon, matanto ko nawa lagi na ang buhay ko dito sa lupa, paghahanda sa magiging buhay ko sa kabila.  Huwag ko nawang sayangin ang bawat pagkakataon na makagawa ng mabuti at makapaglingkod, at mapapurihan ka sa aking buhay.  Amen.