Daughters of Saint Paul

Nobyembre 11, 2017 Sabado sa Ika-31 Linggo ng Taon / San Martin de Torres, Obispo (Paggunita)

LUCAS 16:9-15

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo: gamitin n’yo ang di matuwid na Perang-diyos para magkaroon ng mga kaibigan para sa pagkaubos nito’y tanggapin naman nila kayo sa walang hanggang mga tahanan. Ang mapagkatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaki, at ang di mapagkakatiwalaan sa maliliit ay hindi rin mapagkatiwalaan sa malalaki. Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa di matuwid na pera, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa mga bagay na labas sa inyo, sino pa kaya ang magbibigay sa inyo ng atin na mismo? Walang katulong na makapagsisilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian niya ang isa at mamahalin naman ang isa pa o magiging matapat sa isa at mapababayaan ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera.”          Naririnig ng mga Pariseo ang lahat ng ito. Sakim sila kaya pinagtatawanan nila siya. At sinabi ni Jesus sa kanila: “Ginagawa n’yo ang lahat para magmukhang mabuti sa paningin ng mga tao ngunit alam ng Diyos ang inyong mga puso. At kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang mataas sa mga tao.”

PAGNINILAY:

Mga kapatid, nang sabihin ng Panginoon na gamitin ang di-matuwid na perang-diyos para magkaroon ng kaibigan, hindi Niya ibig sabihin na bumili tayo ng mga kaibigan sa pamamagitan ng pagreregalo, pagiging mabuti at bukaspalad sa kanila.  Nais Niya lamang sabihin na gamitin ang ating pera o anumang meron tayo – sa paggawa ng mabuti sa kapwa at hindi para sa ating pansariling kapakanan.  Maaari nating gawan ng kabutihan ang mga taong sumakabilang-buhay na, lalo na ang mga kaluluwa sa purgatoryo – sa pamamagitan ng pagdarasal, pag-aabuloy at pag-aalay ng Misa para sa kanilang kaluluwa.  Ang lahat ng taong ating tinulungan, maging sila’y buhay pa o namayapa na, ang magiging kaibigan natin sa espiritu na sasalubong sa atin sa buhay sa kabila.  Mga kapatid, inaanyayahan tayo ng Panginoon na maging kaibigan ng lahat ng tao.  Huwag tayong maging mapili sa mga taong tutulungan at gagawan ng kabutihan.  Dahil lahat ng tao, mahalaga sa mata ng Diyos.  Inalay Niya ang Kanyang buhay para tubusin tayong lahat.  Kaya bawat isa sa atin mahalaga.  Manalangin tayo.  Panginoon, matanto ko nawa lagi na wala akong sariling pag-aari na hindi nagmula Sa’yo.  Lagi nawa kitang kilalanin bilang pinagmulan ng lahat ng mabubuting bagay na nararanasan ko.  Puspusin Mo nawa ang aking puso ng pasasalamat.  Itulot Mo pong maging daluyan ako ng Iyong biyaya at pagpapala para sa aking kapwa. Amen.