EBANGHELYO: LUCAS 17:1-6
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Hindi maaaring walang katitisuran at magpapabagsak sa tao ngunit sawimpalad ang taong naghahatid nito! Mas makabubuti pa sa kanya na talian ng gilingang-bato sa leeg at ihagis sa dagat kaysa tisurin at pabagsakin ang isa sa maliliit na ito. Mag-ingat kayo. Kung magkasala ang kapatid mo, pagsabihan mo siya, at kung magsisi’y patawarin mo. At kung pitong beses siyang magkasala sa iyo sa isang araw at pitong beses din siyang bumalik sa iyo na nagsisisi, patawarin mo siya.” Sinabi ng mga apostol sa Panginoon: “Dagdagan mo ang aming pananampalataya.” Sumagot ang Panginoon: “Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa punong malaigos na iyan: ‘Mabunot ka at sa dagat matanim,’ At susundin kayo nito.
PAGNINILAY:
Sinabi ni Hesus na hindi maiiwasan sa mundong ito na hindi tayo “matitisod” o “babagsak.” Ibig sabihin, sa ating buhay, darating talaga ang mga pagkakataon na madarapa tayo habang naglalakbay. Masakit madapa! Dahil kadalasan, may sugat itong kaakibat. Bukod pa dito, kahit maghilom na ang sugat, mag-iiwan ito ng peklat, isang alaala ng iyong pagkadapa. Hindi maiiwasan ang mga ito, normal na parte ito ng ating buhay. Pakinggan pa lang, hindi na kaayaaya sa tenga ang salitang peklat. Pero, kung magbabalik tanaw tayo at pagmamasdan ang mga ito, hindi ba’t ang peklat mo sa tuhod, alaala ng isang masayang kabataan, habang kayo’y nagtatakbuhan? O kung isa kang nanay, hindi ba’t ang peklat mo sa iyong kamay ay dahil sa niluto mong pritong tilapia para sa iyong pamilya? O di kaya, ang peklat mo’y hindi nakikita, pero nakatatak pa din sa’yong puso. Alam mo, may isang Tao na ilang beses ding nadapa, nagkasugat at nagka-peklat. Ang Panginoong Hesus. Pero ang mga peklat na ito sa Kanyang kamay, naging simbolo ng Kanyang muling pagkabuhay, at nagbigay ng kalayaan sa buong sambayanan. Mga kapanalig, ang mga peklat na tinamo natin sa buhay, naging simbolo din ng paghilom, ng ating mga pinagdaanan at ngayo’y nalagpasan. Isang simbolo ng tagumpay sa isang pagsubok na minsan mang naghatid sa atin sugat, pero nagdulot naman ng mas matibay na pananalig sa Diyos, at pagkatao na marunong sa buhay. Amen. – Anne Loraine Santos