Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 11, 2023 – SABADO SA IKA-31 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON | San Martin ng Tours, Obispo (Paggunita)

BAGONG UMAGA

Maligayang araw ng Sabado kapatid kay Kristo.  Ika-labing-isa ngayon ng Nobyembre, ginugunita natin si San Martin de Torres, na isang obispo.  Siya ang patron ng bansang Francia at ama ng western monasticism.   Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito, at sa tulong ng kanyang panalangin hilingin nating masumpungan ang tunay na kayamanang dapat nating pahalagahan sa mundong ito – ang pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa.   Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata Labing-anim, talata siyam hanggang Labinglima.  

EBANGHELYO: Lk 16:9-15

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo: gamitin n’yo ang di matuwid na Perang-diyos para magkaroon ng mga kaibigan para sa pagkaubos nito’y tanggapin naman nila kayo sa walang hanggang mga tahanan. Ang mapagkakatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaki, at ang di mapagkakatiwalaan sa maliliit ay hindi rin mapagkakatiwalaan sa malalaki. Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa di matuwid na pera, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? Kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga bagay na labas sa inyo, sino pa kaya ang magbibigay sa inyo ng atin na mismo? Walang katulong na makapagsisilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian niya ang isa at mamahalin naman ang isa pa o magiging matapat sa isa at mapapabayaan ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera.” Narinig ng mga Pariseo ang lahat ng ito. Sakim sila kaya pinagtatawanan nila siya. At sinabi ni Hesus sa kanila: “Ginagawa n’yo ang lahat para magmukhang mabuti sa paningin ng mga tao pero alam ng Diyos ang inyong mga puso. At kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang mataas sa mga tao.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Rolly Garcia Jr., Director ng Biblical apostolate ng Archdiocese of Manila ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Masama bang maging mayaman?  Sa ating Ebanghelyo ngayon, napakinggan natin ang aral ni Hesus tungkol sa kahalagahan ng wastong gamit ng kayamanan sa pamamagitan ng talinghaga ng tusong katiwala. Ang aral na ito ay hindi nangangahulugan na dapat nating i-prioritize ang kayamanan. Sa halip, nagpapahiwatig ito, na dapat nating gamitin ang ating mga yaman at ari-arian sa paraang makatutulong sa iba at sa ating kaligtasan. Hindi ito pag-udyok na maging sakim o ipagmalaki mga ari-arian na meron tayo. Ang mga bagay na ito ay pansamantala lamang, at ang tunay na kayamanan ay matatagpuan sa pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa. Kaya’t tayo po ay inaanyayahan na gamitin ang ating yaman at ari-arian upang magdulot ng kagalakan at ginhawa sa iba, at hindi lamang para sa sariling kasiyahan. Masama nga bang maging mayaman? Hindi. Pero tayo po ay inaanyayahan na maging matalino at makatao sa paggamit ng ating mga yaman upang ipahayag ang ating pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa.