Daughters of Saint Paul

Nobyembre 12, 2017 / Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

 

MATEO 25:1-13

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tinutukoy ng kuwentong ito ang mangyayari sa Kaharian ng Langit. Sampung abay na dalaga ang lumabas na may dalang lampara para sumalubong sa nobyo. Hangal ang lima sa kanila, at matalino naman ang lima pa. Dinala ng mga hangal na abay ang kanilang mga lampara nang walang reserbang langis. Ngunit dinala naman ng matatalino ang kanilang mga lampara na may reserbang langis. Natagalan ang nobyo kaya inantok silang lahat at nakatulog. Ngunit nang hatinggabi na, may tumawag: ‘Dumarating na ang nobyo; lumabas kayo at salubungin siya!’ Nagising silang lahat noon at inihanda ang kanilang mga lampara. Sinabi ng mga hangal sa matatalino: ‘Bigyan naman ninyo kami ng inyong langis dahil mahina na ang ningas ng aming mga lampara.’ Sumagot ang matatalino: ‘Baka kulangin ang langis para sa amin at para sa inyo. Mabuti pang pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili para sa inyo.’ Nakaalis na sila para bumili nang dumating ang nobyo; ang mga handa na ay sumama sa nobyo sa kasalan, at isinara ang pinto. Pagkatapos ay saka dumating ang iba pang mga dalaga at tumawag: ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami!’ Ngunit sumagot siya: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo kilala.’ Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras.”

PAGNINILAY:

Sa talinhagang ating narinig, nais ituro ni Jesus na sa buhay ng tao, may mga nagaganap na di-inaasahang pangyayari.  Tayo ang mananagot sa’ting mga ikinikilos.  Kaya nga inaanyayahan tayong matuto sa ginawa ng limang matatalinong dalaga na nagdala ng pasobrang langis upang magkaroon ng sapat na magagamit sa buong magdamag.  Ano ba ang langis na tinutukoy dito?  Mga kapatid, ang mga imbak na langis – kumakatawan sa lakas ng ating pagkatao, sa pinagpalang pasya nating iwasan ang mga mortal na kasalanan, sa panalangin nating manatiling matuwid, sa pagtalikod natin sa tukso at sa pagnanais nating mamuhay nang payak.  Ganito natin pinananatiling nagniningas ang ating lampara, ang ating pananampalataya – handang makayakap ang Panginoon sa lahat ng sandali.  Nakakatuksong isipin, na okey lang magkasala, total wala namang kasalanang hindi kayang patawarin ang Diyos.  Nakakatakot ang mag-isip ng ganito, dahil paano kung bigla tayong tinawag ng Panginoon nang hindi tayo handa?  Kapatid, banal ang bawat sandali ng ating buhay. Huwag sana nating sasayangin ang pagkakataong makapagbalik-loob sa Diyos at baguhin ang ating masasamang gawi bago maging huli ang lahat.