Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 12, 2019 – MARTES SA IKA-32 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: LUCAS 17:7-10

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ipagpalagay nang may katulong na nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa ang isa sa inyo. Anong sasabihin niya rito sa pagbalik nito galing sa bukid? Sasabihin kaya niya: “Halika na’t dumulog sa hapag’? Sa halip ay sasabihin niya: “Ihanda mo ang aking pagkain; magbihis ka’t pagsilbihan ako habang kumakain ako’t umiinom, at saka ka na kumain at uminom.’ Dapat kaya kayong tumanaw ng utang-na-loob sa utusang iyon dahil ginawa nito ang iniutos? Gayundin naman sa inyo. Pagkagawa n’yo sa lahat ng iniutos sa inyo, sabihin n’yo: ‘Mga karaniwang utusan kami; ginawa lang namin ang dapat naming gawin.’”

PAGNINILAY:

Mahalagang bigyang pansin na ang pagkaunawa ng mga Pariseo sa kanilang pakikipag-ugnayan sa Panginoon, isang kontrata.  Parang batang nagsasabing:  “Sige, bibigyan kita nito pero bibigyan mo rin ako ng ganito.”  Inaasahan na nila na may kapalit ang lahat nilang ginagawang paglilingkod sa Panginoon.  Di ba, ganito rin tayo minsan?  Kapag gumagawa tayo ng kabutihan sa kapwa, naghihintay tayo ng kapalit sa kabutihang ginawa natin?  Kapag nagpapakabuti tayong Kristiyano – umaasa tayo ng gantimpala mula sa Diyos. Umaasa tayo na hindi na tayo magkakaproblema, na hindi tayo makararanas ng pagsubok sa buhay.  Kaya sa tuwing nakararanas tayo ng pagsubok sa kabila ng ating ginagawang pagpapakabuti – kinukwestiyon natin ang Panginoon.  Lord, bakit?  Bakit ako pa ang nagkasakit ng ganito? Bakit ako pa ang nagkaroon ng ganitong problema?  Mabuting tao naman ako.  Mga kapanalig, hindi man natin nababatid ang tugon ng Diyos sa mga katanungan natin sa buhay, isa lang ang tiyak.  Hindi nagkakautang na loob ang Diyos sa atin, kung tumutupad man tayo sa Kanyang mga utos. Di ba sa karanasan natin kapag sinisikap nating iayon ang buhay sa kalooban ng Diyos, higit na kabutihan at mga biyaya ang nakakamtan natin?  Pero hindi ito nangangahulugan na di na tayo magkakaproblema pa.  Dahil minsan kapag maayos ang lahat sa buhay natin, nagiging kampante tayo at pabaya sa ating buhay espiritwal.  Minsan din masyado na tayong umaasa sa ating kakayahan at naisasantabi na natin ang Diyos sa ating buhay.  Kaya ang mga problemang dumarating sa atin, minsan paraan ng Diyos ng pagkalabit sa atin na suriin ang ating buhay.  Baka naliligaw na tayo ng landas?  Kaya pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo ngayon na:  Walang utang ang Diyos sa atin na dapat Niyang bayaran.  Tayo’y pawang Kanyang mga nilikha, at ang lahat ng mabubuting bagay na tinatamasa natin ngayon, mga biyaya na dapat nating ipagpasalamat. At kung tayo ma’y naglilingkod sa Kanya, wala tayong dapat asahang kapalit. Dahil sa harap ng kadakilaan ng Diyos, tayo’y mga karaniwang utusan lamang, at ginagawa lamang natin ang nararapat nating gawin.  Amen. – Sr. Lines Salazar, fsp