EBANGHELYO: Lc 17:26-37
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tulad ng nangyari sa panahon ni Noe, gayundin sa mga araw ng Anak ng Tao. Kumakain sila at umiinom, nag-aasawa ang mga lalaki at babae, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong at dumating ang baha na pumuksa sa lahat. Tulad sa panahon ni Lot: kumakain sila at umiinom, nagtitinda at namimili, nagtatanim at nagtatayo. At nang lumabas si Lot mula sa Sodom, nagpaulan ang Diyos mula sa Langit ng apoy at asupre na pumuksa sa lahat. Ganito rin sa araw na ibubunyag ang Anak ng Tao. Sa araw na iyon, huwag nang bumaba pa sa bahay ang nasa terasa para kunin ang kanyang mga gamit at huwag nang umuwi pa ang nasa bukid. Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot. Mawawalan ng kanyang sarili ang sinumang nagsisikap na magligtas nito at ang mawawalan naman ng sarili ang magsisilang nito sa buhay. Sinasabi ko sa inyo: kung may dalawa sa isang higaan sa gabing iyon, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa; kung may dalawang babaeng magkasamang gumigiling, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa.”. At itinanong naman nila: “Saan, Panginoon?” Sumagot siya: “Kung nasaan ang katawan, doon nagtitipon ang mga buwitre.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Nimfa Ebora ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo. Maraming tao ang hindi inaasahang nasawi dahil sa Covid 19. Dahil dito, mas alam na natin na ang buhay ng tao ay maikli at hiram lamang. Kaya naman marami na rin ang nag-eevaluate ng kanilang mga priorities upang mas mabigyang pansin ang mga mga bagay na sadyang mahalaga sa buhay katulad na lang ng relasyon, sa pamilya man o sa kapwa tao. Dahil nga, life is short nowadays, we would like to spend it the best way we could. Ito rin ang mensahe ng Mabuting Balita natin ngayon… Life is short and death is certain. Darating ang Panginoon sa anumang oras – sa panahon na hindi natin alam – kaya ang lahat ay dapat maging handa. Ito’y paanyaya sa lahat na unahin ang mga dapat pahalagahan at ituon ang atensyon sa mga gawaing mas makahulugan. Ang bawat araw natin ay puno ng alalahanin. Sa gitna ng maraming bagay na gusto nating gawin, huwag sana nating kalilimutan na iilan lamang sa mga ito ang talagang mahalaga – ito ay ang mga bagay na tumutulong na mabuhay tayo ng ganap, bilang tao at bilang mga anak ng Diyos.
[for FB: Ang kaharian ng Diyos ay hindi tungkol sa pagmamahal sa sarili kundi tungkol sa makabuluhang pag-aalay nito sa Diyos at sa kapwa: Sabi nga sa Mabuting Balita, “Ang sinumang magsikap na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay ay siyang makakapagligtas nito.” Kung lagi tayong handa, hindi tayo matatakot kahit dumating pa ang Panginoon sa oras na hindi natin inaasahan. ]