Daughters of Saint Paul

Nobyembre 13, 2016 LINGGO Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon

Lk 21:5-19

May ilang nag-uusap tungkol sa Templo, at sinabi nila na may magagandang bato ito at mamahaling palamuti. Sinabi naman ni Jesus:  “Darating ang mga araw na walang matitirang magkapatong na bato sa lahat ng inyong nakikita; iguguho ang lahat.”  Nagtanong sila sa kanya:  “Guro, kailan ito mangyayari at ano ang tanda na sumapit na ito?”

            Sumagot si Jesus:  “Mag-ingat kayo at baka kayo madaya. Maraming aangkin sa aking pangalan sa pagsasabing 'Ako ang Mesiyas; ako siya,' at ‘Palapit na ang panahon.' Huwag kayong sumunod sa kanila. Sa pagkabalita n'yo sa digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong maligalig; mangyayari muna ito pero hindi pa ito ang wakas.”

            At sinabi niya sa kanila:  “Magdidigmaan ang mga bayan at maglalaban-laban ang mga kaharian. Magkakaroon din ng malalakas na lindol sa maraming lugar, magkakaroon ng taggutom, magkakaroon ng mga kakila-kilabot na bagay at ng malalaki ring kababalaghan sa Langit. Pero bago sumapit ang lahat ng ito, dadakipin kayo at uusigin; ibibigay kayo sa mga sinagoga at dadalhin sa mga kulungan at ihaharap sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. Sasapit ito sa inyo para makapagpatotoo kayo sa akin.

            “Isaisip n'yo na huwag ikabalisa ang pagtatanggol sa inyong sarili dahil ako mismo ang magbibigay sa inyo ng mga salita at karunungang hindi matatagalan o masasagot ng lahat n'yong kaaway.

            Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at papatayin nila ang ilan sa inyo. At kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit hindi maaano isa mang buhok sa inyong ulo. Sa inyong pagpapakatatag, ang mga sarili n'yo mismo ang inyong makakamit.”

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig, bumulaga sa atin ang dalawang magkaugnay na tema ng “pagkawasak” at “pagwawakas.”  Likas na nakakatakot ang pagkawasak at nakalulungkot naman ang pagwawakas.  Pero hindi naman kinakailangang pagkatakot at kalungkutan lang ang mamamayani sa atin sa ganitong mga pagkakataon.  Dahil habang nabubuhay tayo – may pag-asa at marami pang maaaring gawin.  Ika nga ng kasabihan, ang buhay ng tao isang hanay ng pagsisimula at pagtatapos.  Bawat simula, isang paglalakbay patungo sa katapusan, at ang bawat katapusan naghuhudyat naman ng panibagong simula.  Hilingin natin sa Diyos ang biyayang mapagyaman natin ang bawat sandaling hiram lamang sa Kanya at maging laging handa sa Kanyang pagdating anumang oras ito dumating sa ating buhay.