Daughters of Saint Paul

Nobyembre 13, 2017 Lunes sa Ika-32 Linggo ng Taon / San Francisco Javier Cabrini

LUCAS 17:1-6

Sinabi si Jesus sa kanyang mga alagad: “Hindi maaaring walang katitisuran at magpapabagsak sa tao ngunit sawimpalad ang taong naghahatid nito! Mas makabubuti pa sa kanya na talian ng gilingang-bato sa leeg at ihagis sa dagat kaysa tisurin at pabagsakin ang isa sa maliliit na ito. “Mag-ingat kayo. Kung magkasala ang kapatid mo, pagsabihan mo siya, at kung magsisi’y patawarin mo. At kung pitong beses siyang magkasala sa iyo sa isang araw at pitong beses din siyang bumalik sa iyo na nagsisisi, patwarin mo siya. Sinabi ng mga apostol sa panginoon: “Dagdagan mo ang aming pananampalataya.” Sumagot ang panginoon:” Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi n’yo sa punong-malaigos na iyan: Mabunot ka’t sa dagat ka matanim,’ at susundin kayo nito.”

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyong ating narinig, isang mabigat na banta ang binitiwan ni Jesus sa Kanyang mga alagad.  Binalaan Niya ang mga ito na huwag maging sanhi ng pagkakasala ng iba.  Ang ibig sabihin ng pagkakasala dito, maging sanhi sila ng pagtalikod ng ibang tao sa kanilang pananampalataya kay Jesus.  Kaya’t sinabi ni Jesus na kung sinuman ang maging sanhi ng pagkakasala ng iba, mabuti pa sa kanya ang ihulog sa dagat na may nakataling gilingang-bato sa leeg kaysa mabuhay pa.  Isang nakakatakot na banta ito.  Para kay Jesus isang mabigat na kasalanan ang maging sanhi ng pagkakasala ng iba na maaaring maging hadlang upang hindi sila makapasok sa Kaharian.  Sa ating pang-araw-araw na buhay suriin natin ang ating sarili kung naging dahilan din ba tayo ng pagkakasala ng ating kapwa?  Sa ating mga sinasabi at ikinikilos maaaring naging sanhi tayo ng pagkakasala ng iba, kahit hindi natin nalalaman.  Ilang mga bata ba ang lumaking palamura at walang galang sa kapwa dahil ito din ang natingalang ugali ng mga magulang?  Ilang mananampalataya ang nawalan na ng ganang magsimba dahil sa mga taong simbahan na mahilig magtsismis, manghusga at mamintas ng kapwa?  Ilang kasapi ng samahan sa simbahan ang nasiraan ng loob na magpatuloy, dahil walang nakitang pagbabago sa pag-uugali ng mga miyembro nito?  Mga kapatid, ang pagsabuhay ng ating pananampalataya ang pinakamabisang paraan ng paghikayat sa iba upang sumampalataya din sa Diyos.  Pero ang tahasang natin paglabag sa utos ng Diyos, nagiging sanhi din ng pagkakasala ng iba.  Hilingin natin sa Diyos ang biyayang maging buhay na saksi tayo ng ating pananampalataya.  Panginoon, patawarin Mo po ako sa mga pagkakataong nagdulot ako ng iskandalo sa aking kapwa dahil sa ugali kong mapanhusga.  Amen.