EBANGHELYO: LUCAS 17:11-19
Habang papunta si Jesus sa Jerusalem, dumaan siya sa hangganan ng Samaria sa Galilea. At pagpasok niya sa isang nayon, may sampung lalaking may ketong ang lumabas para salubungin siya. Tumayo ang mga ito sa malayo at tumawag nang malakas: “Jesus, Guro, maawa ka sa amin.” At sinabi naman sa kanila ni Jesus. “Umalis kayo at humarap sa mga pari.” At nangyari na gumaling sila habang naglalakad. Isa sa kanila ang agad na nagbalik nang makita niyang gumaling siya, at pasigaw niyang pinuri ang Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus, sa pagpapasalamat sa kanya. Isa siyang samaritano. Kaya sianbi ni Jesus: “Di ba’t sampu ang gumaling? Nasaan ang siyam? Wala bang bumalik para magpuri sa Diyos kundi dayuhang ito?” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Tumayo ka, iniligtas ka ng iyong pananampalataya.”
PAGNINILAY:
Kapag meron tayong hinihiling sa Diyos, grabe ang ating pagsusumamo. Halos araw-araw nasa simbahan tayo, nagsisimba at nagdarasal ng nobena sa iba’t ibang santo. Pero kapag ibinigay na ng Diyos ang ating mga hinihiling, ilan sa atin ang patuloy pa ring nagsisimba araw-araw at nagnonobena upang magpasalamat? Consistency, walang patid, palagian, at tuloy-tuloy, ‘yan ang pangunahing mensahe ng Ebanghelyo. Ibigay man ng Diyos o hindi ang ating mga hinihiling, huwag tayong huminto sa pagsisimba at pananalangin dahil ito ang mga sandata natin upang lalo pang lumalim ang ating pananampalataya. Tunay na ikinatutuwa ng Diyos kung tayo’y magpapasalamat. Pero hindi naman talaga ito para sa ikadaragdag ng kaluwalhatian niya. Dahil magpasalamat man tayo o hindi, mananatili ang dakilang kaluwalhatian ng Diyos at hindi mababawasan ang pag-ibig niya para sa atin. Ang pagpapasalamat natin sa Diyos ay para sa paglago ng ating buhay espiritwal. -Vhen Liboon
PANALANGIN:
Panginoon maraming salamat sa lahat ng mga biyayang ipinagkaloob ninyo sa amin, lalung-lalo na po sa biyaya ng buhay. Nawa ang aming buhay sa araw-araw, maging buhay na punung-puno ng pasasalamat sa kabila ng saya o lungkot na aming maramdaman, sa kabila ng kaginhawahan o paghihirap, patuloy nawa kaming magpasalamat sa iyo. Amen.