Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 13, 2020 – BIYERNES SA IKA-32 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 17:26-37

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tulad ng nangyari sa panahon ni Noe, gayundin sa mga araw ng Anak ng Tao. Kumakain sila at umiinom, nag-aasawa ang mga lalaki at babae, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong at dumating ang baha na pumuksa sa lahat. Tulad sa panahon ni Lot: kumakain sila at umiinom, nagtitinda at namimili, nagtatanim at nagtatayo. At nang lumabas si Lot mula sa Sodom, nagpaulan ang Diyos mula sa Langit ng apoy at asupre na pumuksa sa lahat. Ganito rin sa araw na ibubunyag ang Anak ng Tao. Sa araw na iyon, huwag nang bumaba pa sa bahay ang nasa terasa para kunin ang kanyang mga gamit at huwag nang umuwi pa ang nasa bukid. Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot. Mawawalan ng kanyang sarili ang sinumang nagsisikap na magligtas nito at ang mawawalan naman ng sarili ang magsisilang nito sa buhay. Sinasabi ko sa inyo: kung may dalawa sa isang higaan sa gabing iyon, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa; kung may dalawang babaeng magkasamang gumigiling, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa.”. At itinanong naman nila: “Saan, Panginoon?” Sumagot siya: “Kung nasaan ang katawan, doon nagtitipon ang mga buwitre.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Urgency, dalian, wag patumpik –tumpik, agarang desisyon. Ito ang pakiramdam ko sa mensahe ng Ebanghelyo ngayon. Yong wala nang dapat sayangin na oras o panahon, now na! Ganito itinuturing ang pagbubunyag sa Anak ng Tao. Ganito ang magiging sitwasyon ng paghuhukom, at hudyat ng katapusan ng panahon!  Pero, si Jesus mismo ang nagsabi, na kung kelan ito mangyayari tanging ang Diyos Ama lamang ang nakakaalam.  Mga kapatid, ano ang maaari nating gawin? Hintayin ito nang may takot at pangamba sa ating mga puso?  O, ipagpatuloy ang ating ordinaryong gawain sa araw-araw, nang may pasasalamat sa Diyos, sa lahat ng mga biyayang ating tinatanggap. Harinawang, magsilbing inspirasyon sa atin ang mensahe ng Ebanghelyo ngayon, sa halip ng takot. Totoo, ang katapusan ng panahon ay darating!  Pero kung sa araw-araw nating pamumuhay, kasa-kasama natin ang Panginoon, at lagi tayong nananalangin sa Kanya, wala tayong dapat ipangamba at ikatakot. Yakapin natin nang may tuwa ang ating pinaniniwalaan. Dumating man ang panahon ng paghuhukom, kasama natin ang Panginoon, kung tapat tayo sa Kanya. Pagpalain nawa tayo ng Panginoon. Amen. Amen.