EBANGHELYO: Lc 18:1-8
“Dapat laging manalangin at huwag masiraan ng loob”—ito ang sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad sa isang talinhaga. Sinabi niya: “Sa isang lunsod, may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang pakialam sa mga tao. May isa ring biyuda sa lunsod na iyon na madalas pumunta sa kanya at sinasabi: ‘Igawad mo sa akin ang katarungan laban sa aking kalaban.’ Matagal siyang umayaw pero naisip niya pagkatapos: ‘Wala man akong takot sa Diyos at walang pakialam sa tao, igagawad ko pa rin ang katarungan sa biyudang ito na bumubuwisit sa akin at baka masiraan pa ako ng ulo sa pagpunta-punta niya.’” Kaya idinagdag ng Panginoon: “Pakinggan ninyo ang sinabi ng di matuwid na hukom. Hindi ba’t igagawad ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na araw-gabing tumatawag sa kanya? Pababayaan ba niya sila? Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila ang katarungan. Ngunit pagdating ng Anak ng Tao, makakakita kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Narci Peñaredonda ng Sisters of Jesus Good Shepherd, “Pastorelle” ang pagninilay sa ebanghelyo. Tayong mga Filipino ay likas na madasalin. Matiyaga at taimtim tayong magdasal dahil alam nating kapag may tiyaga, may nilaga. May estudyante kami na nahihirapan sa bahaging akademiko, tamad at sa tingin ko ay unmotivated. Ang consistent recommendation para sa kanya ay ilipat na siya ng paaralan. Ang nanay naman niya ay laging umiiyak sa akin at sinasabing, Sister, dito po gustong magtapos ng anak ko”. Sabi ng nanay, hindi na daw niya alam ang gagawin niya, at hindi na siya tumitigil sa pagdarasal para sa pagbabago ng kanyang anak. Ang school naman ay maraming offer na co-curricular activities: choir, dance troupe, theater arts, newsletter at sports. Natumbok ang talent ng bata! Nag excel siya sa Athletics at nanalo sa mga sports competitions. Ang kagulat-gulat, nakita ko kung paano siya unti-unting naging responsableng mag-aaral. Kapag absent siya sa klase dahil sa competitions, pumupunta siya sa kanyang mga subject teachers at itatanong ang make-up activities niya para hindi siya bumagsak. Hindi umunlad ang kanyang kakayahang akademiko, pero ang kayang drive para maging responsable ay kahanga-hanga. Mga kapatid, nakamit ng Nanay ang kanyang panalangin. Dininig ng Diyos ang kanyang taimtim at matiyagang panalangin, naging masaya at secure naman ang aming estudyante.
PANALANGIN
Mapagpalang Ama, dalisayin mo ang aming pagtitiyaga upang sa tuwina ay umasa kami sa iyong patnubay at biyaya. Amen