Daughters of Saint Paul

Nobyembre 13, 2024 – Miyerkules ng Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Ebanghelyo: Lucas 17,11-19

Habang papunta si Hesus sa Jerusalem, dumaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. At pagpasok niya sa isang nayon, may sampung lalaking may ketong ang lumabas para salubungin siya. Tumayo ang mga ito sa malayo at tumawag nang malakas: “Hesus, Guro, maawa ka sa amin.” At sinabi naman sa kanila ni Hesus. “Umalis kayo at humarap sa mga pari.” At nangyari na gumaling sila habang naglalakad. Isa sa kanila ang agad na nagbalik nang makita niyang gumaling siya, at pasigaw niyang pinuri ang Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Hesus, sa pagpapasalamat sa kanya. Isa siyang samaritano. Kaya sinabi ni Hesus: “Tumayo ka, iniligtas ka ng iyong pananampalataya.”

Pagninilay:

Marahil, tinuruan tayong lahat noong ating kabataan ng 3 “magic words”: please, sorry, at thank you. Naaalala ko pa kapag bigayan na ng regalo pagkatapos ang Noche Buena, sa tuwing aabutan ako ng regalo, tila ba ay nakabantay sa akin si Mama na may kaakibat na tanong: “Anong sasabihin mo?” Siyempre, “thank you” po. Ang ugali ng pagpapasalamat ay hindi nakabatay sa regalong ating natanggap kundi pagtanaw sa kabutihang-loob ng nagbibigay. 

Natunghayan natin sa Mabuting Balita na may 10 ketongin na nagmakaawa kay Hesus. Hindi nila tahasang hiniling ang paggaling ngunit pinagaling sila ni Hesus dahil sa kanyang kabutihang-loob sa kanila. Nakapagtataka na iisa lang ang bumalik upang magpasalamat; mas nakapagtataka na ito’y isang Samaritano na itinuturing na kalaban ng mga Hudyo, tulad ni Hesus! Ganito kawaldas magpakita ng habag ang Diyos: ‘di bale kung hindi man karapat-dapat, sapagkat pag-ibig Niya ang siyang tanging pumapagindapat. Sa pagpapasalamat ng Samaritano, nagpapasalamat ang lahat ng tao sa Diyos na kung umibig ay lubos. Mga kapatid/kapanalig, maging mapagpasalamat tayo para sa lahat ng ibinibigay sa atin ng Diyos araw-araw. Dahil ang taong laging nananariwa sa kabutihang kinamtan ay taong may pag-ibig na taglay. Katulad ng Samaritano, nawa’y ang una’t lagi nating panalangin ay “Salamat sa Diyos” at saka humayo upang maging buháy na tugon sa panalangin ng ating kapwang naghihikahos.