EBANGHELYO: LUCAS 17:20-25
Tinanong si Jesus ng mga Pariseo kung kailan darating ang paghahari ng Diyos at sumagot siya: “Hindi lantaran ang pagdating ng Kaharian ng Diyos; hindi masasabing ‘Narito o naroon,’ nasa inyo na nga ang Kaharian ng Diyos.” Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Darating ang panahon na pananabikan n’yong makita ang isa sa mga pagpapakita ng Anak ng Tao at hindi n’yo naman makikita. At may magsasabi sa inyo ‘Narito siya, naroon.’ Huwag kayong pupunta, huwag maghahanap. Sumisiklab nga ang kidlat at nagniningning mula sa isang dako ng Langit hanggang sa kabila, gayundin naman ang Anak ng Tao sa araw ng kanyang pagdating. Ngunit kailangan muna niyang magtiis nang marami at itakwil ng mga tao sa kasalukuyan.”
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyo ngayon, nang tanungin si Jesus ng mga Pariseo kung kailan darating ang Kaharian ng Diyos, ang sagot Niya, “Darating yaon nang di namamalayan ng sinuman at walang makapagsasabi na “narito o naroon” na. Mga kapanalig, totoong dumating na ang Kaharian ng Diyos noong dumating ang Panginoong Jesus sa unang pagkakataon. Niligtas na Niya tayo sa kasalanan at walang hanggang kapahamakan. At pinagkalooban ng Kanyang Banal na Espiritu upang maging saksi ng Kanyang paghahari sa kasalukuyang mundo. Pero ang kaganapan ng Kanyang Kaharian, mangyayari pa sa Parousiao sa katapusan ng mundo. Tayo ngayon ay nasa gitna nang dalawang mundong, naganap na at magaganap pa. At habang patuloy tayong nakikibaka sa buhay na ito, inaanyayahan tayo ng Panginoon na mamuhay sa pagmamahal at maging saksi sa Kanyang buhay na pananatili sa kasalukuyang panahon. Ang pagdating ng Kaharian, hindi pagbabago ng mga bagay na nakikita ng ating mga mata, kundi pagbabago ng puso ng tao. Sa tuwing pinapairal natin ang pagpapatawad kaysa paghihiganti, sa tuwing sinusuklian natin ng mabuti ang masamang ginawa sa atin, sa tuwing nagiging daluyan tayo ng biyaya ng Diyos para sa ating kapwa – umiiral na ang Kaharian ng Diyos sa pamamagitan natin. Mga kapatid, ang taong nagmamahal sa Diyos, matiyagang naghihintay sa pagdating ng kanyang Panginoon. At habang siya’y naghihintay patuloy siya sa kanyang tapat na gawain. Upang anumang oras dumating ang Panginoon, siya’y laging nakahandang sumalubong sa Kanya. Suriin natin ang ating sarili, kung dumating ngayon ang Panginoon, madadatnan kaya Niya tayong karapat-dapat sa Kanya? – Sr. Lines Salazar, fsp
PANALANGIN:
Panginoon marapatin Mo pong maging laging handa ako sa Iyong pagdating. Papag-alabin Mo po ang Banal na Espiritu sa aking puso nang lagi kong sikaping mamuhay ayon Sa’yong kalooban. Amen.