EBANGHELYO: Lk 18:1-8
“Dapat laging manalangin at huwag masiraan ng loob”—ito ang sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad sa isang talinhaga. Sinabi niya: “Sa isang lunsod, may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang pakialam sa mga tao. May isa ring biyuda sa lunsod na iyon na madalas pumunta sa kanya at sinasabi: ‘Igawad mo sa akin ang katarungan laban sa aking kalaban.’ Matagal siyang umayaw pero naisip niya pagkatapos: ‘Wala man akong takot sa Diyos at walang pakialam sa tao, igagawad ko pa rin ang katarungan sa biyudang ito na bumubuwisit sa akin at baka masiraan pa ako ng ulo sa pagpunta-punta niya.’” Kaya idinagdag ng Panginoon: “Pakinggan ninyo ang sinabi ng di matuwid na hukom. Hindi ba’t igagawad ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na araw-gabing tumatawag sa kanya? Pababayaan ba niya sila? Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila ang katarungan. Ngunit pagdating ng Anak ng Tao, makakakita kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”
PAGNINILAY
Isinulat ni Bro. Enzo Muega ng Diocese ng San Pablo ang pagninilay sa Ebanghelyo. Pray. Pray. Pray. Mga kapatid, ang Mabuting Balita natin ngayon ay ang ikalawang pagbanggit ni San Lukas tungkol sa pagtuturo ni Hesus kung paano manalangin. Ang una ay ang pagdarasal ng “Ama Namin” sa chapter 11, at ang ikalawa ay ang manalangin at huwag manlupaypay sa chapter 18 na ating Mabuting Balita ngayon. Para bang sa tagpong ito, nakikita natin ang Panginoon bilang isang guro na nung una, tinuruan tayo magsalita o “speech dynamics” at ngayon, “mathematics” na ng pagdarasal ang kanyang itinuturo.// Mga kapatid, nakakamangha ang “walang sawang pagsusumamo” ng biyuda sa talinghagang narinig natin ngayong araw. At may isang bagay na mas lalo nating ikahanga, wala kang makikita ‘ni isang yugto ng buhay ni Hesus na hindi siya nanalangin, at ito ang itinuturo niya sa atin. Ginamit ni Hesus ang ehemplo mula sa isang pang-araw-araw na pangyayari sa buhay ng biyuda at sa kanyang pagsusumikap, nadinig ang kanyang hiling. At nais ni Hesus ituro sa atin na araw-araw din tayong manalangin na para bang isang anak na mapilit sa kanyang magulang. Kaya ba tayong tiisin ng Diyos Ama natin? At ano ang tips ni Hesus? ang kanyang formula na “Pray + Pray + Pray.”