Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 14, 2021 – IKA-33 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

EBANGHELYO: Mc 13:24-32

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Sa panahong iyon, pagkatapos ng kagipitang ito, magdidilim ang araw, hindi na magbibigay ng liwanag ang buwan, malalaglag ang mga bituin mula sa Langit at magigimbal ang buong sanlibutan. At makikita nilang ‘dumarating sa mga ulap ang Anak ng Tao’ na may Kapangyarihan at ganap na Kaluwalhatian. Ipadadala niya ang mga anghel para tipunin ang mga pinili mula sa apat na sulok ng daigdig, mula sa silong ng Langit. Matuto sa aral ng puno ng igos: kapag malambot na ang mga sanga nito at lumilitaw na ang mga dahon, alam ninyo na malapit na ang tag-init. Gayundin naman, kapag napansin ninyo ang lahat ng ito, alamin ninyong malapit na, nasa may pintuan na. Talagang sinasabi ko sa inyo na hindi lilipas ang lahing ito at magaganap ang lahat ng ito. Lilipas ang Langit at lupa ngunit hindi lilipas ang aking mga salita. Ngunit walang nakaaalam sa oras at araw na iyon kahit na ang mga anghel sa Langit o ang Anak; ang Ama lamang ang nakakaalam.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Paul Marquez ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  (Lumolobo ang populasyon ng daigdig! Sa maraming mahihirap na bansa, salat ang malinis na tubig, pagkain, gamot at iba pang mga pangangailangan para sa mga mamamayan. Bukod dito, nagpapatuloy ang pang-aabuso at pagsira sa kalikasan. Matindi ang polusyon sa hangin at marumi ang kapaligiran. Ang daigdig ay mistulang isang matandang nilalang na naghihingalo at malapit nang bawian ng buhay. Dumagdag pa rito ang pandemya ng Covid na patuloy na nagpapahirap sa buong daigdig.) Mga kapatid, bago humarap si Hesus sa kamatayan sa krus, nag-iwan siya ng pangaral sa kanyang mga alagad. Una, tiniyak ni Hesus na magwawakas ang daigdig. Mapapawi ang lahat ng bagay. Mamamatay ang lahat ng tao. Hindi mahalagang malaman ang petsa ng wakas ng sanlibutan. Walang saysay na hulaan kung kailan ito magaganap. At sino mang magsalita na alam niya kung kailan darating ang wakas, ay bulaan at hindi nagsasabi ng katotohanan.  Ikalawa, nangako si Hesus, na sa pagdating ng wakas, muli siyang babalik sa daigdig. Kung ang una niyang pagparito sa lupa ay tahimik at hindi napansin ng maraming tao, kabaligtaran ang kanyang muling pagbabalik. Inihambing niya ito sa isang puno ng igos sa panahon ng tag-init. Magiging luntian at sariwa ang mga sanga nito. Magiging hitik sa mga bunga pero kailangang matuyo ang mga dahon na dating nakaprotekta sa mga usbong. Babagsak ang mga ito. Malalagas ang mga dahon. Kailangan mangyari ang lahat na ito para bigyang daan ang paghihitik ng mga bunga. Kailangang magbigay daan ang luma nating buhay sa bagong buhay na hatid ni Kristo sa muli niyang pagdating. Ikatlo, kailangang maging handa tayo sa pagsapit ng wakas at sa pagbabalik ni Hesus. Sikapin nating mabuhay na para bang ito ang huli nating araw sa mundo. Samantalahin natin ang paggawa ng mabuti, iwaksi ang kasamaan at palaging ilagay sa ating isip at puso na walang higit na mahalaga sa buhay kundi ang sumunod sa mg utos ng Diyos at tularan ang kanyang magandang halimbawa. Amen.