BAGONG UMAGA
Mapagpalang araw ng Martes ginigiliw kong kapatid kay Kristo. Dakilain natin ang Diyos sa pagsisimula ng bagong araw na ito. Pasalamatan natin Siya sa panibagong pagkakataong maranasan muli ang Kanyang walang hanggang paglingap at pagmamahal. Ihabilin natin sa Kanya ang buong maghapon at hilinging pangunahan tayo sa pagtupad ng ating mga tungkulin. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Panawagang maging mapagpakumbabang lingkod ang hamon sa atin ng Mabuting Balita ngayon, ayon kay San Lukas kabanata Labimpito, talata pito hanggang sampu.
EBANGHELYO: Lk 17:7-10
Sinabi ni Hesus: “Ipagpalagay nang may katulong na nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa ang isa sa inyo. Anong sasabihin niya rito pagbalik nito galing sa bukid? Sasabihin kaya niya: ‘Halika na’t dumulog sa hapag’? Sa halip ay sasabihin niya: ‘Ihanda mo ang aking pagkain; magbihis ka’t pagsilbihan mo ako habang kumakain ako’t umiinom, at saka ka na kumain at uminom.’ Dapat kaya kayong tumanaw ng utang-na-loob sa utusang iyon dahil ginawa nito ang iniutos? Gayundin naman sa inyo. Pagkagawa ninyo sa lahat ng iniutos sa inyo, sabihin ninyo: ‘Mga karaniwang utusan kami; ginawa lang namin ang dapat naming gawin.’”
PAGNINILAY
Isinulat ni Cl. Russel Patolot ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Kapansin-pansin sa ating mga Pilipino ang ating pagkahilig sa mga titulong akademiko. Ayon sa ilang eksperto, marahil galing ito sa ating karanasang kolonyal. Ang ating pagkahumaling na makamit ang college at post-graduate degrees raw ay isang pagnanais na makaangat sa estado ng pamumuhay, para hindi na muling maging alipin ninuman, sa kahirapan man, o sa katayuang panlipunan. Ang nakakalungkot lang, may mga taong ginagamit ang edukasyon bilang katibayan para makapagmataas, para makapagyabang, imbes na makapaglingkod sa kapwa at sa bayan. // Sa ating Mabuting Balita ngayon, tila napakahigpit ng larawang ipinapakita ni Hesus tungkol sa mga alipin. Bawal magpahinga pagkagaling sa labas maghapon; kailangang munang ipaghain ang amo – saka pa lamang maaaring kumain! Simple lang naman ang nais ituro sa atin ng Panginoon: tayo’y pawang Kanyang mga katiwala lamang. Minsan, napakabilis lumaki ng ating mga ulo sa tuwing nakararanas tayo ng tagumpay, na para bang bunga ito ng ating pagpupunyagi. Nalilimutan natin na ang Diyos pa rin ang nagpapayabong ng anumang ating itinanim. Hindi tayo tinawag ng Diyos upang maging matagumpay; tinawag Niya tayo upang maging tapat sa anumang tungkuling iniaatas Niya sa atin. // Mga kapatid, sa paghahangad nating umunlad, alalahanin natin na hindi tagumpay ang ating prayoridad, kundi ang higit na ikaluluwalhati ng Diyos. Kapag Siya ang ating inuna sa lahat ng ating gawain, siguradong higit pa sa ating pinapangarap ang ating makakamit – bonus na lamang ang tagumpay. Ang mahalaga ay maging tapat, dahil ang matapat sa kalooban ng Diyos ang tunay na nagtatagumpay, at siyang magkakamit ng buhay na walang hanggan.