Ebanghelyo: LUCAS 17,20-25
Tinanong si Hesus ng mga Pariseo kung kailan darating ang paghahari ng Diyos at sumagot siya: “Hindi lantaran ang pagdating ng Kaharian ng Diyos; hindi masasabing ‘Narito o naroon,’ nasa inyo na nga ang Kaharian ng Diyos.” Sinabi ni Hesus sa mga alagad: “Darating ang panahon na pananabikan n’yong makita ang isa sa mga pagpapakita ng Anak ng Tao at hindi n’yo naman makikita. At may magsasabi sa inyo ‘Narito siya, naroon.’ Huwag kayong pupunta, huwag maghahanap. Sumisiklab nga ang kidlat at nagniningning mula sa isang dako ng Langit hanggang sa kabila, gayundin naman ang Anak ng Tao sa araw ng kanyang pagdating. Subalit kailangan muna niyang magtiis nang marami at itakwil ng mga tao sa kasalukuyan.”
Pagninilay:
May memory ka ba ng iyong Hesus experience? Yun bang sa isang silent experience o kahit conversational moment sa friend mo o sa isang kakilala, bigla mong narecognize ang mukha at tinig Niya, at naramdaman mo Siya. Dumarating Siya na walang notice. Narinig natin na sinabi ng ating Hesus Maestro na darating daw ang Anak ng Tao na parang kidlat.
Noong nag-Youth Visitation ako sa isang parokya, pinag-usapan namin ang Emosyon tungo sa Misyon. Habang natitipon kami, may tatlong kabataan na nagpahayag ng kanilang emosyon tulad ng lungkot, inis, gitla. Ang kanilang common reasons? Hindi sila tinanong kung gusto ba nila ang mawalay at magtrabaho sa ibang bansa ang kanilang sari-sariling ina. Bigla na lang tumulo ang luha ko. Doon ko naranasan na may biglang tumama sa aking dibdib. Si Hesus Maestro, dumating sa akin, sa amin. Sa kanilang matapat na kalooban at sa kanilang pagtatanong, doon dumatal sa akin ang habag ng Diyos. Oo ’no? Ang Kaharian ng Diyos, hindi perceptible to the naked eye, hindi nahahawakan, kundi nararanasan. Sa pagiging vigilant natin sa ating Hesus experiences at treasured memories sa Kanya, preparation din natin ito dahil may inihahanda Siya sa atin na forever experience with Him sa Kanyang Kingdom.