Lk 19:1-10
Pumasok si Jesus sa Jerico at dumaan sa siyudad. At may isang taong nagngangalang Zakeo. Pinuno siya ng mga kolektor ng buwis at napakayaman. Sinikap niyang makita kung sino si Jesus pero pandak siya at hindi niya magawa dahil sa dami ng mga tao. Kaya patakbo siyang umuna at umakyat sa isang punong-malaigos para makita si Jesus pagdaan doon. Pagdating ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya at sinabi sa kanya: “Zakeo, bumaba ka agad. Sa bahay mo nga ako dapat tumigil ngayon.”
Nagmamadali siyang bumaba at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus. Inireklamo naman sa isa't-isa ng lahat ng nakakita rito: Sa bahay ng isang lalaking makasalanan siya nakituloy.” Ngunit tumayo si Zakeo at sinabi sa Panginoon: “Panginoon, ibibigay ko sa mga dukha ang kalahati ng aking mga ari-arian; at kung may nadaya ako, apat na beses ko siyang babayaran.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Dumating ngayon ang kaligtasan sa sambahayang ito dahil anak nga ni Abraham ang taong ito. At dumating ang Anak ng Tao para hanapin at iligtas ang nawawala.”
PAGNINILAY
Sa Ebanghelyong ating narinig, lubos ang pagbabagong buhay ni Zakeo kaya nagawa niyang sabihin sa Panginoon ang kanyang pagbabayad-puri. “Panginoon, ibibigay ko sa mga dukha ang kalahati ng aking mga ari-arian; at kung may nadaya ako, apat na beses ko siyang babayaran.” Sa sinabi niyang ito, ginantimpalaan ng Diyos ang kanyang pagpapakababa at pagsisikap na makita si Jesus. Sa kanyang nakakahiyang pag-akyat sa puno ng malaigos – sa bahay niya tumuloy ang Panginoon. Mga kapatid, bukas ang kamay ng Diyos upang muling yakapin at tanggapin ang makasalanang nagbabalik-loob at handang magbayad-puri sa nagawang pagkakasala. Hindi sapat na magsisi lang tayo sa ating kasalanan. Hinihingi nang katarungan na “bayaran” ng mga pagkakawanggawa ang kasakiman at pandarayang nagawa natin. Sa maikling buhay na pinahiram sa atin ng Diyos, huwag sana nating sasayangin ang bawat pagkakataong makapagsisi at magbayad-puri sa mga atrasong nagawa natin sa Diyos at sa kapwa- bago maging huli ang lahat. Dahil hanggang sa kahuli-hulihang sandali ng ating buhay hangad ng Diyos na maibalik tayo sa Kanyang piling. Manalangin tayo. Panginoon, ipahintulot Mo pong lubos kong mapagsisihan ang aking mga kasalanan. Akayin Mo po ako sa tuwid na landas pabalik Sa’yo. Amen.