Daughters of Saint Paul

Nobyembre 15, 2017 Miyerkules sa Ika-32 Linggo ng Taon / San Alberto Magno, Obispo at Pantas ng Simbahan

LUCAS 17:11-19

Habang papunta si Jesus sa Jerusalem, dumaan siya sa hangganan ng Samaria sa Galilea. At pagpasok niya sa isang nayon, may sampung lalaking may ketong ang lumabas para salubungin siya. Tumayo ang mga ito sa malayo at tumawag nang malakas: “Jesus, Guro, maawa ka sa amin.”At sinabi naman sa kanila ni Jesus. “Umalis kayo at humarap sa mga pari.” At nangyari na gumaling sila habang naglalakad. Isa sa kanila ang agad na nagbalik nang makita niyang gumaling siya, at pasigaw niyang pinuri ang Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus, sa pagpapasalamat sa kanya. Isa siyang samaritano. Kaya sianbi ni Jesus: “Di ba’t sampu ang gumaling? Nasaan ang siyam? Wala bang bumalik para magpuri sa Diyos kundi dayuhang ito?” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Tumayo ka, iniligtas ka ng iyong pananampalataya.”

PAGNINILAY:

Kung araw-araw tayong makikinig sa tinig ng Diyos, siguro magsasawa tayo sa katanungang ito ni Jesus:  nasaan na ang iba, talaga bang kakaunti lang ang taong marunong magpasalamat? Kung papansinin natin ang araw-araw nating pag-iral, mula paggising sa umaga hanggang sa ating pagtulog, puspos tayo ng mga biyaya at pagpapala ng Diyos.  Ang magising nang may malakas na pangangatawan, ang sikat ng araw, ang buhos ng ulan, ang hanging ating nilalanghap, ang tubig na ating iniinom, at marami pang iba – mga biyaya itong libre nating tinatanggap sa Panginoon.  Tunay ngang napakabuti ng Diyos dahil patuloy Niyang ipinagkakaloob ang mga bagay na ito upang tayo’y mabuhay.  Siya ang may ganap na kontrol sa kilos ng kalikasan. Marahil sa isang saglit lang na pabayaan ng Diyos ang mundo – katapusan na rin ito ng ating buhay.   Mga kapatid, dahil sa di mabilang na mga biyaya at pagpapalang tinatanggap natin sa Diyos – nararapat lamang na pasalamatan natin Siya araw-araw.  Nararapat lamang na mamuhay tayo sa tunay na diwa ng pasasalamat sa pamamagitan ng pagiging masayahin, matulungin at pagiging isa pang Kristo sa ating kapwa.  Nararapat din na ang ating dasal hindi lang puro kahilingan kundi maglaan din tayo ng panahong papurihan at sambahin ang Diyos; humingi ng tawad sa mga kasalanang nagawa; magpasalamat sa mga biyayang tinanggap at patuloy na tinatanggap, at saka lamang natin itaas sa Kanya ang ating kahilingan.  Ito ang tamang pormula ng pagdarasal:  adoration, contrition, thanksgiving Nararapat lamang na mamuhay tayo sa tunay na diwa ng pasasalamat at supplication.  Panginoon, turuan Mo po akong maging mapagpasalamat sa lahat ng panahon at pagkakataon sa aking buhay.  Dahil lubos po akong nagtitiwala na anuman ang tugon Mo sa aking panalangin, ito ang makabubuti sa akin.  Amen.