EBANGHELYO: LUCAS 17:26-37
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tulad ng nangyari sa panahaon ni Noe, gayundin sa mga araw ng Anak ng Tao. Kumakain sila at umiinom, nag-aasawa ang mga lalaki at mga babae, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong at dumating ang baha na pumuksa sa lahat. Tulad sa panahon ni Lot: kumakain sila umiinom, nagtitinda at namimili, nagtatanim at nagtatayo. At nang lumabas si Lot mula sa Sodom, nagpaulan ang Diyos mula sa Langit ng apoy at asupre na pumuksa sa lahat. Ganito rin sa araw na ibubunyag ang Anak ng Tao. Sa araw na iyon, huwag nang bumaba pa sa bahay ang nasa terasa para kunin ang kanyang mga gamit at huwag nang umuwi pa ang nasa bukid. Alalahanin n’yo ang asawa ni Lot. Mawawalan ng kanyang sarili ang sinumang nagsisikap na magligtas nito at mawawalan ng sarili ang magsisilang nito sa buhay. Sinasabi ko sa inyo: kung may dalawa sa isang higaan sa gabing iyon, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa; kung may dalawang babaeng magkasamang gumigiling, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa.”. At itinanong naman nila: “Saan, Panginoon?” Sumagot siya: “Kung nasaan ang katawan, doon nagtitipon ang mga buwitre.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Noong nakaraang April 22, Lunes ng hapon habang mistulang patapos na ang isang normal na araw sa opisina, dahan dahan kong naramdaman na para bang gumagalaw ang aming building. Kinabahan ako lalo nang i-announce sa aming opisina na isang lindol nga ang nagaganap. Takot, kaba ang naramdaman ko dahil nasa ika-36 na palapag kami. Wala sa aming kakayahan ang pwedeng makapagpapigil sa lindol na ito. Sa isang iglap parang pelikula na nag-play sa isip ko ang aking buhay. Saan ko ginugol ang mga oras na naibigay sa akin? Masasabi ko kayang namuhay ako ayon sa kagustuhan ng Diyos? Nagmahal ba ako ng lubos? Nakatulong ba ako sa aking kapwa? Noong panahon na iyon, nawalan ng halaga ang kahit anong materyal na bagay na mayroon ako. Mga kapanalig, tunay ngang walang makapagsasabi kung kailan muling babalik si Hesus kaya’t ang marapat lamang nating gawin ay mabuhay ng lubusan. Hindi para maka-ipon ng materyal na bagay, kundi upang makaipon ng tunay na yaman na hindi masisira ng kahit na anong sakuna. Sa gayon, lagi tayong magiging handa kapag tayo’y tinawag na mula sa mundong ito. Amen. – Anne Loraine Santos