Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 15, 2020 – IKA-33 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (A)

EBANGHELYO: Mt. 25:14-30

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ipagpalagay natin na may isang tao, na bago mangibambayan ay tinawag ang kanyang mga katulong at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian. Limang talentong pilak ang ibinigay niya sa una, dalawa naman sa isa pa, at isa sa pangatlo, batay sa kaya ng bawat isa. At saka umalis. Pagkaraan ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga katulong na ito at hiningan sila ng pagsusulit. Kaya lumapit ang nakatanggap ng limang talento dala ang tinubong lima pang bareta at sinabi: ‘Panginoon ipinagkatiwala mong limang bareta sa akin at tingnan mo, tumubo pa ako ng limang talento.’ Sumagot ang amo: ‘Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito. Halika at makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon.’ Sa bandang huli, dumating ang nakatanggap ng isang talento at nagsabi: ‘Panginoon, alam kong mahigpit kang tao, inaani mo ang di mo itinanim at nililikom ang hindi mo ipinagnenegosyo, natakot ako kaya itinago ko yong talento sa lupa. Heto ang sa iyo.’ Ngunit sinagot siya ng kanyang amo: ‘Masama at walang kuwentang katulong. Alam mo palang inaani ko ang hindi ko itinanim at nililikom ang hindi ko ipinagnenegosyo. Sana’y dinala mo sa bangko ang aking pilak at mababawi ko ang sa akin pati na ang tubo pagdating ko. Kaya kunin ang talento sa kanya at ibigay ito sa may sampu pa. Sapagkat sa sinumang meron, bibigyan pa s’ya at magkakaroon ng sagana, ngunit ang wala, maging ang sa kanya ay aagawin sa kanya. Para sa walang silbing katulong, itapon siya sa dilim kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin.’”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Vic Rey Duron ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. “Time is Gold”! Ginto ang bawat oras! Kapag lumipas ito, hindi na kailanman babalik pa.  Matagal na natin itong alam, pero hindi napapahalagahan.  Sa dalawang huling linggo sa karaniwang panahon, ito ang tema ng ating mga pagbasa. Bigyang halaga ang bawat sandali at maging mabunga sa buhay. Ang Talinhaga ng Talento ay nag-iiwan sa atin ng hamon na maging produktibo sa ating buhay, gamit ang anumang biyayang pinagkaloob sa atin ng Diyos. Mga kapatid, suriin mo ang iyong sarili; nagagamit mo ba ng lubos ang anumang talentong ipinagkaloob sayo ng Diyos?  Tandaan, na sa katapusan ng ating buhay, kapag makipagharap tayo sa Diyos sa oras ng paghuhukom, susulitin Niya tayo, kung paano natin ginamit ang mga talentong bigay Niya sa atin, at kung nagbunga ba ito ng sagana sa buhay natin sa dito lupa, para nang sa Langit.  Amen.