Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 15, 2023 – MIYERKULES SA IKA-32 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON | Dakilang San Alberto, Obispo at Pantas ng Simbahan 

BAGONG UMAGA

Mapayapang araw ng Miyerkules kapatid kay Kristo.  Ika-labinlima ngayon ng Nobyembre, ginugunita natin si San Alberto Magno, obispo at Pantas ng Simbahan.  Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito, at sa tulong ng kanyang panalangin hilingin natin ang biyayang lumago sa diwa ng tunay na pasasalamat.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Matutunghayan natin ang tagpo ng pagpagaling ni Hesus sa sampung ketongin, sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata labimpito, talata labing-isa hanggang labing-siyam.   

EBANGHELYO: Lk 17:11-19

Habang papunta si Hesus sa Jerusalem, dumaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. At pagpasok niya sa isang nayon, may sampung lalaking may ketong ang lumabas para salubungin siya. Tumayo ang mga ito sa malayo at tumawag nang malakas: “Hesus, Guro, maawa ka sa amin.” At sinabi naman sa kanila ni Hesus. “Umalis kayo at humarap sa mga pari.” At nangyari na gumaling sila habang naglalakad. Isa sa kanila ang agad na nagbalik nang makita niyang gumaling siya, at pasigaw niyang pinuri ang Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Hesus, sa pagpapasalamat sa kanya. Isa siyang samaritano. Kaya sinabi ni Hesus: “Tumayo ka, iniligtas ka ng iyong pananampalataya.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Divinia de Claro ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Naranasan mo na bang magpaunlak sa isang kahilingan, pero di ka man lang pinasalamatan ng taong iyong tinulungan? Medyo, masakit, di po ba? Sa Mabuting Balita ngayon, napakinggan natin kung paano nagmakaawa ang sampung ketongin kay Hesus, na pagalingin sila. Sumigaw sila. “Hesus Panginoon, maawa ka sa amin.” Sa halip na ibigay agad ang kanilang kahilingan, sinabihan sila ni Hesus na magpakita sa mga pari. Habang nasa daan, sila ay nagsigaling…” Bumalik ang isa sa kanila, upang magpasalamat kay Hesus. Kaya, nagtanong si Hesus: “Di ba sampu ang aking pinagaling. Nasaan ang siyam?” Bakit nga kaya, hinanap pa ni Hesus, ang siyam na Kanyang pinagaling? Mga kapatid, mahalaga ang pagkilala sa kabutihan at kapangyarihan ng Diyos, na patuloy Niyang ipimamalas sa atin. Isa ba tayo, sa siyam na ketongin na nakakalimot magpasalamat sa Diyos?  Hindi inaasahan ng mga ketongin na makakamtan agad, ang kanilang kahilingan, kahit di pa nila natutupad ang utos ni Hesus. Nagpapatunay ito, na si Hesus nga, ang nagpagaling sa kanila. Pero nakalimutan nilang magpasalamat kay Hesus. Marahil tayo rin, sa kagandahang- loob ng Diyos, ay nakatatangap ng kahilingan, nang di natin inaasahan. Kung minsan, sa gitna ng ating kasiyahan, nakakalimutan nating magpasalamat sa Diyos, na Siyang nagkaloob sa atin ng mga biyaya. Kaya pinapaalalahan tayo ng ebanghelyo ngayon, na laging mapagpasalamat sa Diyos sa lahat ng mga biyaya at pagpapalang patuloy Niyang ipinagkakaloob sa atin araw-araw.