Ebanghelyo: LUCAS 17,26-37
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Tulad ng nangyari sa panahon ni Noe, gayundin sa mga araw ng Anak ng Tao. Kumakain sila at umiinom, nag-aasawa ang mga lalaki at babae, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong at dumating ang baha na pumuksa sa lahat. Tulad sa panahon ni Lot: kumakain sila at umiinom, nagtitinda at namimili, nagtatanim at nagtatayo. At nang lumabas si Lot mula sa Sodom, nagpaulan ang Diyos mula sa Langit ng apoy at asupre na pumuksa sa lahat. Ganito rin sa araw na ibubunyag ang Anak ng Tao. Sa araw na iyon, huwag nang bumaba pa sa bahay ang nasa terasa para kunin ang kanyang mga gamit at huwag nang umuwi pa ang nasa bukid. Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot. Mawawalan ng kanyang sarili ang sinumang nagsisikap na magligtas nito at ang mawawalan naman ng sarili ang magsisilang nito sa buhay. Sinasabi ko sa inyo: kung may dalawa sa isang higaan sa gabing iyon, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa; kung may dalawang babaeng magkasamang gumigiling, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa.” At itinanong naman nila: “Saan, Panginoon?” Sumagot siya: “Kung nasaan ang katawan, doon nagtitipon ang mga buwitre.”
Pagninilay:
Isinulat po ni Sr. Tess Espina ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay.
Ipinapakita ng Mabuting Balita ngayon ang larawan ng “panahon ng pagtatapos” o ang ikalawang pagdating ng Panginoon. Inihahalintulad ito sa panahon ni Noah at ni Lot. Karaniwang tema ang tungkol sa paghahatol, pagkawasak, digmaan, at pagtubos.
Nakakatakot isipin ang ganitong mga pangyayari pero hindi ito para takutin tayo. Pinapayuhan tayo na maging laging gising, alerto at handang salubungin ang Panginoon araw-araw, at sa bawat sandali ng ating buhay. Hinahamon tayo na maging mulat sa Kanyang presensya hindi lamang sa mga masasayang pangyayari, kundi maging sa mahihirap na sandali ng ating buhay. Tinatawag tayo na magtiwala sa Panginoon sa mga sandali ng paghihirap at kalungkutan, sa karamdaman at kamatayan. Tumitibay ang ating tiwala sa Panginoon sa panalangin. Pinalalakas at pinapalalim ng panalangin ang ating ugnayan sa Diyos. Kaya, kahit gaano tayo kaabala, bigyan natin ng espesyal na panahon ang Panginoon, na siyang bukal ng buhay at karunungan.
Kapag dinadalaw ng Panginoon ang isang taong naghihingalo, sa pamamagitan ng Sakramento ng Pagpapahid ng Banal na Langis, maraming mga pagpapala ang tinatanggap niya tulad ng pagkakasundo sa pagitan ng maysakit at ng mga anak o kamag-anak. Nagiging masaya ang taong nag-aagaw-buhay at payapa niyang sinasa-lubong ang kamatayan. Pagdating ng ating panahon, nawa’y hindi tayo matakot na yakapin ng Panginoon, bilang tapat niyang mga alagad sa Kanyang kaharian. Amen.