LUCAS 17:20-25
Tinanong si Jesus ng mga Pariseo kung kailan darating ang paghahari ng Diyos at sumagot siya: “Hindi lantaran ang pagdating ng Kaharian ng Diyos; hindi masasabing ‘Narito o naroon,’ nasa inyo na nga ang Kaharian ng Diyos.” Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Darating ang panahon na pananabikan n’yong makita ang isa sa mga pagpapakita ng Anak ng Tao at hindi n’yo naman makikita. At may magsasabi sa inyo ‘Narito siya, naroon.’ Huwag kayong pupunta, huwag maghahanap. Sumisiklab nga ang kidlat at nagniningning mula sa isang dako ng Langit hanggang sa kabila, gayundin naman ang Anak ng Tao sa araw ng kanyang pagdating. Ngunit kailangan muna niyang magtiis nang marami at itakwil ng mga tao sa kasalukuyan.”
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyong ating narinig, malinaw ang tugon ng Panginoon sa tanong ng mga Pariseo, “Nasa inyo na nga ang Kaharian ng Diyos.” Totoo ito mga kapatid, sumasaatin na nga ang Kaharian ng Diyos nang dumating ang Panginoong Jesus. Pero ang kaganapan ng Kaharian ng Diyos, darating pa sa wakas ng panahon. Sa ngayon, nasa kalagitnaan tayo ng dalawang magkahiwalay na panahon – ang panahong natapos na, at ang panahong darating pa. Tinatawag ito sa Teolohiya na “already but not yet.” At habang namumuhay tayo sa gitna ng dalawang panahon, tinatawagan tayong maging saksi ng paghahari ng Diyos sa lupa, sa pamamagitan ng pagpapasan ng ating krus nang may pagmamahal katulad ng Panginoong Jesukristo. Mga kapatid, nang ialay ng Panginoon ang Kanyang buhay para sa ating kaligtasan, sa pamamagitan ng kanyang paghihirap, pagkamatay at Muling Pagkabuhay – itinatag Niya ang Kaharian ng Diyos dito sa lupa. Ang Simbahan ang kumakatawan sa Kahariang ito. Ang Simbahan ang nagpapatuloy sa mapanligtas na gawain ng Diyos sa pamamagitan ng mga Sakramento. Siya ang nagiging daluyan ng biyaya at pagpapala ng Diyos sa pamamagitan ng mga Sakramentong ating tinanggap at patuloy na tinatanggap. Tayong mga mananampalataya ang Simbahang tinipon ng Diyos na inatasan Niyang mamuhay sa pagmamahal at pagpapakabanal. Bilang kasapi ng Simbahang itinatag ng Panginoong Jesus dito sa lupa nahaharap tayo sa hamong maging tagapagpalaganap ng Mabuting Balita sa salita at gawa. Nahaharap tayo sa hamong isabuhay ang Salita ng Diyos nang magbunga ito ng siksik, liglig at umaapaw na biyaya sa ating pamilya at kapwa. Panginoon, papagningasin Mo po ang apoy ng Banal na Espiritu sa aking puso, nang maging marapat na saksi ako ng Iyong paghahari dito sa lupa. Amen.