Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 16, 2020 – LUNES SA IKA-33 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 18:35-43

Nang malapit na si Jesus sa Jerico, may isang bulag doon na nakaupo sa tabi ng daan at nagpapalimos. Nang marinig niya ang maraming taong nagdaraan, itinanong niya kung bakit. At may nagsabi sa kanya: “Sina Jesus na taga-Nazaret ang dumaraan.” Kaya sumigaw siya: “Jesus, Anak ni David, maawa ka sa akin.” Pinagsabihan siya at pinatahimik ng mga nauuna pero lalo naman niyang nilakasan ang sigaw: “Anak ni David, maawa ka sa akin.” Kaya tumigil si Jesus at ipinadala ang bulag sa kanya at nang malapit na ay itinanong: “Anong gusto mong gawin ko sa iyo?” Sinabi nito: “Panginoon, makakita sana ako.” At sinabi ni Jesus: “Manumbalik ang paningin mo, iniligtas ka ng iyong pananalig.” Agad siyang nakakita at niluluwalhati ang Diyos na sumunod kay Jesus. At nagpuri sa Diyos ang lahat ng nakakita rito.

PAGNINILAY

Isinulat ni Cleric Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Tanong: 20|20 ba ang vision mo? Ito’ng karaniwang terminolohiyang ginagamit upang ilarawan ang perfect vision o yung malinaw at maayos kang nakakikita, nakababasa sa loob ng 20 feet. May mga taong malabo ang mata, ang iba nawalan ng paningin, ang iba wala, mula pagkasilang. Narinig natin ang kwento ng pagtatagpo ni Hesus at ng bulag mula sa Jericho. Isang tagpo na tunay na nakamamangha. May bigat ang animo’y kabalintunaan na nais iparating ng kwento.Bagama’t walang paningin ang bulag na taga-Jericho, malinaw na malinaw na kanyang nakikita kung sino si Hesus. 20|20 ang vision ng kanyang pananampalataya kay Hesus. Perfect. Kaya ng tanungin ni Hesus ano ang kanyang nais, tuwirang sagot niya na nais niyang makakita, at ibinigay ni Hesus ang kanyang hinihingi, salamin ng kanyang malinaw at matatag na pananampalataya. Bagamat walang paningin, hindi siya nakakulong sa dilim. Maliwanag at nakakikita ang mata ng kanyang pananampalataya. Tulad ng bulag ng Jericho, huwag sana tayong manatili sa dilim at kalabuan ng kasalanan at kawalang pananalig. Bagama’t mayroon tayong mga kahinaan, lampasan natin ito sa tulong ng ating pananampalataya kay Hesus, siya na Anak ng Diyos, Hari ng Awa. Napakaraming pagsubok ang humamon sa atin sa taong 2020. Malikhain ang isip natin at marami na ang nagsabi: hindi kaya isang paanyaya ang taong 2020 upang makita nang may perfect vision, kung ano talaga ang mahalaga sa atin?  Kapatid, 20|20 ba ang vision ng pananampalataya mo? Imulat mo ang puso’t paningin ng iyong pananampalataya.