Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 16, 2021 – MARTES SA IKA-33 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lc 19:1-10

Pumasok si Jesus sa Jerico at dumaan sa siyudad. At may isang taong nagngangalang Zakeo. Pinuno siya ng mga kolektor ng buwis at napakayaman. Sinikap niyang makita kung sino si Jesus pero pandak siya at hindi niya magawa dahil sa dami ng mga tao. Kaya patakbo siyang umuna at umakyat sa isang punong-malaigos para makita si Jesus pagdaan doon. Pagdating ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya at sinabi sa kanya: “Zakeo, bumaba ka agad. Sa bahay mo nga ako dapat tumigil ngayon.” Nagmamadali siyang bumaba at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus. Inireklamo naman sa isa’t isa ng lahat ng nakakita rito: “Sa bahay ng isang lalaking makasalanan siya nakituloy.” Ngunit tumayo si Zakeo at sinabi sa Panginoon: “Panginoon, ibibigay ko sa mga dukha ang kalahati ng aking mga ari-arian; at kung may nadaya ako, apat na beses ko siyang babayaran.” At sinasabi sa kanya ni Jesus: “Dumating ngayon ang kaligtasan sa sambahayang ito dahil anak nga ni Abraham ang taong ito. At dumating ang Anak ng Tao para hanapin at iligtas ang nawawala.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sis Amie Batoctoy ng Institute of the Holy Family ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ang pangunahing karakter sa mabuting balitang narinig natin ay si Zakeo at si Hesus.  Si Zakeo ay isang chief tax collector at mayamang Judio!  Bilang pinuno ng mga maniningil ng buwis, alam natin na marumi ang kanyang trabaho; dahil ang kanyang kayamanan ay nanggagaling sa ipinapatong na komisyon sa mga taxes na kinokolekta.  Kaya mababa ang pagtingin sa kanya ng kapwa niya mga Judio, na ipinapahiwatig ng kanyang pagiging pandak.  Kaya nung pumasok si Hesus sa kanilang lugar sa Jerico, patakbong nagpauna si Zakeo at umakyat sa punong sikamoro upang makita si Hesus na magdaraan.  Ang tagpong ito ang naging daan sa pagbabago ng buhay ni Zakeo, nagbigay kulay at kahulugan ng tunay na buhay para kay Hesus.  Natanto niya na ang tunay na kayamanan ay wala sa materyal at makamundong kasiyahan, wala sa posisyon sa pamahalaan. Ang tunay na kayamanan ay kay Hesus lamang matatagpuan at ito’y hindi kayang tumbasan ng kahit anong materyal na yaman. 

PANALANGIN

O Diyos Amang makapangyarihan, pagkalooban Mo po kami ng kababaang loob na mapagsisihan ang aming mga kasalanan katulad ni Zakeo. Amen.