EBANGHELYO: Lk 19:1-10
Pumasok si Jesus sa Jerico at dumaan sa siyudad. At may isang taong nagngangalang Zakeo. Pinuno siya ng mga kolektor ng buwis at napakayaman. Sinikap niyang makita kung sino si Jesus pero pandak siya at hindi niya magawa dahil sa dami ng mga tao. Kaya patakbo siyang umuna at umakyat sa isang punong-malaigos para makita si Jesus pagdaan doon. Pagdating ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya at sinabi sa kanya: “Zakeo, bumaba ka agad. Sa bahay mo nga ako dapat tumigil ngayon.” Nagmamadali siyang bumaba at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus. Inireklamo naman sa isa’t isa ng lahat ng nakakita rito: “Sa bahay ng isang lalaking makasalanan siya nakituloy.” Ngunit tumayo si Zakeo at sinabi sa Panginoon: “Panginoon, ibibigay ko sa mga dukha ang kalahati ng aking mga ari-arian; at kung may nadaya ako, apat na beses ko siyang babayaran.” At sinasbi sa kanya ni Jesus: “Dumating ngayon ang kaligtasan sa sambahayang ito dahil anak nga ni Abraham ang taong ito. At dumating ang Anak ng Tao para hanapin at iligtas ang nawawala.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Maricor Mercurio ng Daughters of Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Sa Ebanghelyong ating narinig, alam ni Zakeo ang kanyang kalagayan at kasalanan. Alam n’ya na hindi s’ya karapat-dapat lumapit kay Jesus, kaya sapat na sa kanya ang masilayan man lamang ang Panginoon kahit sa malayo. Kaya ang laking gulat n’ya nang tinawag s’ya ng Panginoon at sinabing: “Sa bahay mo nga ako dapat tumigil ngayon.” Batid ni Jesus ang kaawa-awang kalagayan ni Zakeo na sa kabila ng kanyang kayamanan ay malungkot, walang kaibigan at kinasusuklaman ng kanyang kapuwa. Nakita rin ng Panginoon ang hangarin ng puso ni Zakeo sa pagbabago at tinulungan niya ito. Sa parte naman ni Zakeo, tinanggap niya ng buong puso ang alok na kaligtasan ni Jesus, tinalikuran niya ang kanyang kayamanan at sumunod sa Panginoon. Mga kapatid, katulad ng sinabi ng Panginoon kay Zakeo, iyon din ang sinasabi N’ya sa atin ngayon: “Sa bahay mo nga ako dapat tumigil ngayon.” Ano ang ating tugon? Handa ba tayong patuluyin S’ya, tanggapin s’ya sa ating buhay at sumunod sa kanya? Manalangin tayo. Panginoong Jesus, marinig ko nawa ang iyong tinig, at buksan mo po ang aking puso upang tanggapin ang iyong pagmamahal at pagpapatawad. Amen.