EBANGHELYO: Lc 19:11-28
Malapit na si Jesus sa Jerusalem at akala ng mga taong kasama niya’y agad na ipakikita ang Kaharian ng Diyos. Kaya sa kanilang pakikinig ay isa pang talinhaga ang inilahad sa kanila ni Jesus. Sinabi niya: “May isang maharlikang tao na pumunta sa malayong lupain para mahirang na hari at saka siya babalik. Tinawag niya ang sampu niyang katulong at binigyan sila ng tig-iisang baryang ginto at sinabi sa kanila: ‘Ipagnegosyo ninyo ito hanggang sa aking pagbalik.’ Namumuhi sa kanya ang kanyang mga kababayan kaya nagsugo sila ng ilang kinatawan para sabihin: ‘Ayaw naming maghari sa amin ang taong ito.’ Gayon pa ma’y bumalik siya pagkahirang bilang hari. Ipinatawag niya ang mga katulong na binigyan niya ng baryang ginto para malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. Humarap ang una at sinabi: ‘Panginooon, tumubo pa ng sampu ang barya mong ginto.’ Sumagot siya: ‘Magaling, mabuting utusan; dahil naging matapat ka sa maliit na bagay, mapamamahala kita sa sampung lunsod.’ Dumating ang ika-lawa at sinabi: ‘Panginoon, tumubo ng lima pa ang iyong baryang ginto.’ Sinabi nito sa kanya: ‘Mamamahala ka sa limang lunsod.’ Dumating ang isa pa at sinabi: ‘Panginoon, narito ang iyong baryang ginto. Binalot ko ito sa isang panyo at itinago. Natatakot ako sa iyo dahil mapaghanap kang tao, kinukuha mo ang di mo idineposito at inaani ang di mo inihasik.’ Sinabi sa kanya ng panginoon: ‘Masamang utusan, sa sarili mong mga salita kita hahatulan. Alam mo palang mapaghanap ako, na kinukuha ko ang hindi ko idineposito at inaani ang hindi ko inihasik, bakit hindi mo idineposito sa bangko ang aking baryang ginto? At makukubra ko sana iyon pati na ang interes pagbabalik ko.’ At sinabi niya sa naroon: ‘Kunin sa kanya ang baryang ginto at ibigay sa may sampu.’ Sumagot sila: ‘E, Panginoon, may sampung baryang ginto na siya.’ ‘Sinasabi ko sa inyo: bibigyan ang meron pero aalisan ang wala, kahit na ang meron siya ay kukunin sa kanya. Ngunit dalhin n’yo rito ang aking mga kaaway na ayaw akong maghari sa kanila at patayin sa harap ko.’” Pagkasabi nito, umuna si Jesus sa kanila pa-Jerusalem.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Paul Marquez ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. (Ang parabolang inihayag ni Hesus sa taumbayan ay tungkol sa isang maharlika na nagkatiwala ng tig-sampung pirasong ginto sa kanyang mga alipin. Totoong mayaman at makapangyarihan ang maharlika sa parabola. Sa kanyang pagbabalik bilang hari, may karapatan siyang ipagkatiwala sa kanyang mga alipin ang mga bayan at lahat ng mga naninirahan doon. Sa kuwentong ito na binuo ni Hesus, ibinunyag niya ang lihim ng kanyang pagkatao. Siya ang maharlikang aalis at mawawala sa ilang panahon peromagbabalik bilang makapangyarihang hari. Kung natagpuan niya tayong tapat sa pagpapalago sa kaharian ng Diyos dito sa lupa, ibayong gantimpala ang ibibigay niya sa atin sa kabilang buhay.) Sa buhay natin, binigyan tayo ng Panginoon ng mga biyaya at magandang pagkakataon sa buhay. Ibinigay niya sa atin ang kalusugan, talino, iba’t ibang kakayanan at ang ating pananampalataya sa Diyos. May mga taong nagsimula sa buhay na kaunti lamang ang materyal na yaman pero dahil sa pagsisikap, umunlad sila sa buhay. Mayroon din namang ipinanganak sa mayamang angkan pero naging lustay kaya’t ngayon ay naghihirap. (Ikaw, kapatid, paano mo pinagyayaman ang mga talento at kakayahang ipinagkatiwala sa’yo ng Diyos? Ginagamit mo ba ito ng lubos para sa pag-unlad ng Kanyang Kaharian dito sa lupa.?)
Kung ihahambing natin ang karanasang ito sa ating buhay espirituwal, marami rin sa atin ang namulat sa mga simpleng bagay lamang tungkol sa ating pananampalataya. Ang pagsimba natin tuwing Linggo, ang pagsama sa mga prusisyon ay nagdala sa atin sa higit na malalim at matibay na pananampalataya. Nakikita natin na ang Parokya ang ating mas malaking pamilya na nakahandang dumamay sa bawat isa. Yaon namang mga lumayo sa simbahan, at piniling sarilinin ang kanilang mga dalahin sa buhay ay nalugmok sa kalungkutan. Hindi man sila naghihirap o kinakapos sa mga biyayang materyal pero may kakulangan silang nararamdaman. Ito’y dahil nilikha tayo ng Diyos hindi lamang para sa ating sarili. Nilikha tayo ng Diyos para maging isang pamayanang nagkakaisa, nagdadamayan at namumunga bunsod ng iisang pananampalataya.