Daughters of Saint Paul

Nobyembre 18, 2016 BIYERNES Ika- 33 Linggo sa Karaniwang Panahon / Pagtatalaga ng Basilika nina San Pedro at San Pablo sa Roma, apostol

Lk 19:45-48

Pumasok si Jesus sa patyo ng Templo at pinalayas ang mga nagtitinda at sinabi niya:  “Nasusulat, 'Magiging bahay-dalanginan ang aking bahay,' pero ginawa ninyong pugad ng mga magnanakaw!

            Araw-araw na nangangaral si Jesus sa Templo. Hangad siyang patayin  ng mga Punong-pari at mga guro ng Batas, kasama ang mga Matatanda ng bayan. Ngunit wala silang magawa dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.

PAGNINILAY

Ipinagdiriwang ng Liturhiya ngayon ang pagtatalaga ng dalawang simbahang nagdadambana sa libingan nina San Pedro at San Pablo. Sila ang dalawang dakilang apostoles na nagpalaganap sa paghahari ng Diyos at nagturo tungkol sa Panginoong Jesukristo. Tinapos nila ang kanilang misyon sa Roma, kung saan nag-alay sila ng buhay alang-alang sa pananampalataya.  Ang kanilang katawan ang naging batong pundasyon para sa simbahan sa Roma.  Sina Pedro at Pablo, bilang mabubuting katiwala, ginamit ang kanilang mga kakayahan at talentong kaloob ng Diyos, para itaguyod ang Kanyang paghahari dito sa mundo.  Ang kanilang mga pagsisikap at sakripisyo biniyayaan ng Diyos ng maraming bunga. Tayo, bilang mga mananampalatayang Kristiyano, ang naging bunga ng kanilang mga pagsisikap at pagtitiyaga na humantong sa pag-aalay nila ng buhay. Pinugutan ng ulo si San Pablo; si San Pedro naman, ipinako sa krus ng patiwarik – dahil ayon sa kanya, hindi siya karapatdapat na ipako katulad ni Kristo.  Kaya ang Pagtatalaga ng dalawang basilikang pinaglagakan ng kanilang katawan sa Roma – pagpaparangal sa dalawang apostol na ito na bukasloob na niyakap ang kamatayan alang-alang sa pananampalatayang Kristiyano.  Kaya, angkop at napapanahon ang panawagan sa atin ng ebanghelyo ngayon.  Igalang natin ang mga simbahan – malaki man ito o maliit – bilang bahay dalanginan.  Dahil sa mga simbahan nakalagak ang Banal na Sakramento – ang tanda ng buhay na pananatili ng Panginoong Jesuskristo sa ating piling.  Kung papansinin natin ang patyo ng mga simbahan ngayon – masasabing katulad din ito ng Templo noong panahon ng ating Panginoon.  Maraming nagtitinda ng kung anu-anong pwedeng pagkakitaan na wala namang kinalaman sa pananampalataya.  Katulad ng mga damit, pagkain, sari-saring mga herbal at gamot, at kung anu-ano pa. Siguro kung nandidito ang Panginoon, palalayasin din sila sa patyo ng simbahan, lalo na kung nagiging hadlang at sagabal sila sa mga taong nagdarasal.  Sa buhay mo ngayon kapatid, paano mo iginagalang ang simbahan bilang tunay na bahay-dalanginan?