Daughters of Saint Paul

Nobyembre 18, 2017 Sabado sa Ika-32 Linggo ng Taon / Pagtatalaga ng Basilika nina San Pedro at San Pablo sa Roma, mga apostol

LUCAS 18:1-8

Dapat laging manalangin at huwag masiraan ng loob”—ito ang sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad sa isang talinhaga. Sinabi niya: “Sa isang lunsod, may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang pakialam sa mga tao. May isa ring biyuda sa lunsod na iyon na madalas pumunta sa kanya at sinasabi: ‘Igawad mo sa akin ang katarungan laban sa aking kalaban.’ Matagal siyang umayaw pero naisip niya pagkatapos: ‘Wala man akong takot sa Diyos at walang pakialam sa tao, igagawad ko pa rin ang katarungan sa biyudang ito na bumubuwisit sa akin at baka masiraan pa ako ng ulo sa pagpunta-punta niya.’” Kaya dinagdag ng Panginoon: “Pakinggan n’yo ang sinabi ng di matuwid na hukom. Hindi ba’t igagawad ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na araw-gabing tumatawag sa kanya? Pababayaan ba niya sila? Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila nag katarungan. Ngunit pagdating ng Anak ng Tao, makakakita kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”

PAGNINILAY:

Mga kapanalig, puno ng pag-asa ang hatid sa atin ng Mabuting Balita ngayon.  Walang panalanging hindi sasagutin ang Diyos kung ito’y makabubuti sa atin.  Kaya huwag tayong manghihinawang manalangin at umasa, na sa takdang panahong inilaan ng Diyos tutugunin Niya rin ang ating taimtim na pagsamo.  Pero katulad ng paulit-ulit kong binibigyang-diin sa aking pagninilay – anumang kahilingang idinudulog natin sa Diyos, kailangang parating may kaakibat na paggawa.  Dahil kung dasal lang tayo ng dasal pero wala naman tayong ginagawa para makamit ang ating hinihingi – malamang walang mangyayari sa ating dasal.  Ika nga ng kasabihan nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa; at patay ang pananampalatayang walang kasabay na pagkilos.  Kaya mga kapatid, kung nagnanais tayong makapasa sa exams at makakuha ng mataas na grado, pagbutihin natin ang pag-aaral; kung nais naman nating gumaling sa karamdaman sundin natin ang payo at reseta ng doctor;  at kung gusto naman nating makabayad sa ating mga pinagkautangan, gumawa tayo ng paraan, pag-ibayuhin ang mga pagsisikap para makabayad sa utang.  Tunay na pagpapalain ng Diyos ang ating mga pagsisikap kung ang lahat ihahabilin natin sa Kanya. Ayon pa kay San Agustin “Pray as though everything depended on God.  Work as though everything depended on you.”  Manalangin tayo.  Panginoon, patatagin Mo po ang aking pananampalataya nang huwag akong panghihinaan ng loob sa gitna ng mga pagsubok na kinakaharap ko sa buhay.  Amen.