Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 18, 2020 – MIYERKULES SA IKA-33 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 19:11-28

Malapit na si Jesus sa Jerusalem at akala ng mga taong kasama niya’y agad na ipakikita ang Kaharian ng Diyos.  Kaya sa kanilang pakikinig ay isa pang talinhaga ang inilahad sa kanila ni Jesus.  Sinabi niya: “May isang maharlikang tao na pumunta sa malayong lupain para mahirang na hari at saka siya babalik.  Tinawag niya ang sampu niyang katulong at binigyan sila ng tig-iisang baryang ginto at sinabi sa kanila:  ‘Ipagnegosyo ninyo ito hanggang sa aking pagbalik.’ …Gayon pa ma’y bumalik siya pagkahirang bilang hari.  Ipinatawag niya ang mga katulong na binigyan niya ng baryang ginto para malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa.  Humarap ang una at sinabi:  ‘Panginooon, tumubo pa ng sampu ang barya mong ginto.’ Sumagot siya:  ‘Magaling, mabuting utusan; dahil naging matapat ka sa maliit na bagay, mapamamahala kita sa sampung lunsod.’…Dumating ang isa pa at sinabi:  ‘Panginoon, narito ang iyong baryang ginto.  Binalot ko ito sa isang panyo at itinago.  Natatakot ako sa iyo dahil mapaghanap kang tao, kinukuha mo ang di mo idineposito at inaani ang di mo inihasik.’ Sinabi sa kanya ng panginoon:  ‘Masamang utusan, sa sarili mong mga salita kita hahatulan.  Alam mo palang mapaghanap ako, na kinukuha ko ang hindi ko idineposito at inaani ang hindi ko inihasik, bakit hindi mo idineposito sa bangko ang aking baryang ginto?  At makukubra ko sana iyon pati na ang interes pagbabalik ko.’  At sinabi niya sa naroon:  ‘Kunin sa kanya ang baryang ginto at ibigay sa may sampu.’  …‘Sinasabi ko sa inyo:  bibigyan ang meron pero aalisan ang wala, kahit na ang meron siya ay kukunin sa kanya.  Ngunit dalhin n’yo rito ang aking mga kaaway na ayaw akong maghari sa kanila at patayin sa harap ko.’” Pagkasabi nito, umuna si Jesus sa kanila pa-Jerusalem.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Cleric Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Saan mo ginagamit ang ‘yong angking galing at talino? Maliwanag ang paanyaya ng ebanghelyo. Ipinagkatiwala sa’tin ang mga talentong ito upang maging kapaki-pakinabang at mabunga (lalo’t dahil may tuwirang habilin ang nagbigay nito sa atin: na palaguin ito at pagyamanin hanggang sa muli niyang pagbabalik.) Nakatutuwang pansinin na sa salitang Griyego, ang Talent o talanton ay tumutukoy din sa scale o balance, sa wika natin, isang timbangan. Tila baga nagpapaalala na naninimbang tayong lagi sa bawat anong meron tayo; kung paano natin gagamitin ang galing o kakayahan o kayamanan na mayroon tayo. Marahil, madali itong gawin para sa mga alam nila kung ano ang kanilang talento at maibabahagi sa iba. Paano kung hindi ka sigurado kung ano ang talent mo? Paano kung sa palagay mo ay hindi ito sasapat? Itatago mo na lamang ba? Tandaan, isang talent at biyaya din ang pakikinig, pagtulong, ang iyong mismong presenysa. Sa araw na ito, tinatawag tayong suriin ang ating sarili, timbangin hanggang sa makita kung anong talento mayroon tayo na ating mapagyayaman at maibabahagi sa iba. Amen.