Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 18, 2021 – HUWEBES SA IKA-33 LINGGO NG TAON | Pagtatalaga ng Basilika nina San Pedro at San Pablo sa Roma

EBANGHELYO: Lc 19:41-44

Nang malapit na siya sa Jerusalem at kita na ang lunsod, iniyakan ito ni Jesus: “Kung nalalaman mo lamang sana sa araw na ito ang daan sa kapayapaan! Ngunit ngayo’y hindi mo ito nakikita. Sasapit sa iyo ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, kukubkubin ka at sisikilin sa lahat ng dako. Iguguho ka nila sa iyong mga anak at walang iiwang magkapatong na bato sa iyo. Sapagkat hindi mo nalaman ang panahon ni ang pagdalaw ng iyong Diyos.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Bro. Bobby Raquel, isang Pauline Cooperator ng Society of St. Paul – Makati ang pagninilay sa ebanghelyo. May ilang pangyayari sa kasaysayan ng Israel na malungkot isipin gaya ng propesiya ni Hesus na tumangis dahil sa masamang mangyayari sa Jerusalem. Hindi kinilala ng bansang Israel si Hesus bilang Mesiyas… Ilang taon ang nakalipas, pinaligiran ng pader ang Jerusalem; kinubkob ng mga Romano at ang mga sakim ay nagdulot ng gutom sa libu-libong tao sa loob ng siyudad. Bumagsak ang Jerusalem noong 70 AD nang winasak ang Templo ng Israel at sinunog ang siyudad sa utos ng Emperador ng Roma. Katulad ng Jerusalem, tayo ay nasa loob ng pader ng pandemya. Marami ang hindi malayang lumabas dahil sa nakakahawang sakit. Araw-araw ay dumarami ang namamatay! Tumigil ang operasyon o nagbawas ng empleyado ang iba’t ibang negosyo sa lahat ng industriya. Marami ang nagugutom na pamilya dahil nawalan ng hanapbuhay sa loob at sa labas ng bansa.  Sa gitna ng kagipitan, may mga taong sakim na nagsamantala sa panahon ng krisis sa Jerusalem at ganoon rin sa panahon natin ngayon.  Mga kapatid, ang pag-ibig ni Hesus ang nag-uudyok sa ating kumilos, ibahagi at ibalita, na si Hesus – ang Daan, Katotohanan at Buhay – kanino man at saan man tayo naroroon.  Ipagdasal natin sa Diyos na gumaling ang mga maysakit at makaligtas tayo sa kapahamakan. Ipagdasal natin ang muling pagbabalik ng negosyo at hanapbuhay. Ipagdasal din natin na lahat ay magbago at maging mabuti, at isipin ang kapakanan ng kapwa tao. Umaasa tayo na sasagutin ng Diyos ang ating mga panalangin. Amen.