Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 18, 2023 – SABADO SA IKA-32 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON  |  Pagtatalaga sa mga Palasyong Simbahan nina Apostol San Pedro at San Pablo sa Roma

BAGONG UMAGA

Purihin ang Diyos sa araw na ito ng Sabado, ika-labingwalo ng Nobyembre, ginugunita natin ang Pagtatalaga sa mga Palasyong Simbahan nina Apostol San Pedro at San Pablo sa Roma.  Sina San Pedro at San Pablo ang haligi ng ating Inang Simbahan.  Kaya marapat lamang na parangalan ang mga simbahang nagdadambana sa kanilang libingan. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Panawagang maging matiyaga sa panalangin at huwag masisiraan ng loob ang hamon ng Mabuting Balitang maririnig natin ayon kay San Lukas kabanata labing-walo, talata isa hanggang walo.

EBANGHELYO: Lk 18:1-8

“Dapat laging manalangin at huwag masiraan ng loob”—ito ang sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad sa isang talinhaga. Sinabi niya: “Sa isang lunsod, may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang pakialam sa mga tao. May isa ring biyuda sa lunsod na iyon na madalas pumunta sa kanya at sinasabi: ‘Igawad mo sa akin ang katarungan laban sa aking kalaban.’ Matagal siyang umayaw pero naisip niya pagkatapos: ‘Wala man akong takot sa Diyos at walang pakialam sa tao, igagawad ko pa rin ang katarungan sa biyudang ito na bumubuwisit sa akin at baka masiraan pa ako ng ulo sa pagpunta-punta niya.’” Kaya idinagdag ng Panginoon: “Pakinggan ninyo ang sinabi ng di matuwid na hukom. Hindi ba’t igagawad ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na araw-gabing tumatawag sa kanya? Pababayaan ba niya sila? Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila ang katarungan. Ngunit pagdating ng Anak ng Tao, makakakita kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Anthony Capirayan ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Ngayong araw nakikiisa tayo sa buong simbahan sa pagdiriwang ng Pagtatalaga ang Basilika nina San Pedro at San Pablo sa Roma. Kapag sinabi po nating pagtatalaga o dedication, “ibinubukod at inilalaan ang isang gusali o simbahan para sa isang sagradong layunin.”  Isinalaysay ni Hesus sa ating ebanghelyo ang isang talinghaga upang ituro sa kanyang mga alagad na dapat maglaan ng panahon para manalangin. Bilang mga tagasunod ni Kristo, tama din namang tayo’y “naglalaan at nagbubukod” ng oras sa pagsisimba at pagsasamba sa Banal sa Sakramento. Pero inaanyahan din tayo na ilaan at ialay sa Diyos, maging ang ating panahon sa pag-aaral, sa pagtatrabaho, at pati na rin sa paglilibang, nang sa gayon ang ating buhay ay nababalot ng panalangin.  At sa pagbabalik ng Anak ng Tao, nakasisiguro tayong may daratnan siyang mga taong may tunay at buhay na pananampalataya. 

PANALANGIN

Panginoon, tulungan Mo po akong lumago sa aking buhay panalangin. Mapuspos nawa ng pagdarasal ang aking araw-araw na pag-iral sa mundo.  Matutunan ko nawang ialay Sa’yo anumang gawaing ginagampanan ko at matupad ko nawa ito bilang paraan ng pagpupuri Sa’yo, Amen.