Daughters of Saint Paul

Nobyembre 19, 2017 Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

MATEO 25:14-30

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ipagpalagay natin na isang tao, na bago mangibambayan ay tinawag ang kanyang mga katulong at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian. Limang talentong pilak ang ibinigay niya sa una, dalawa naman sa isa pa, at isa sa pangatlo, batay sa kaya ng bawat isa. At saka siya umalis.

Agad na ipinagnegosyo ito ng nakatanggap ng limang talento ta kumita ng lima pa. Nagnegosyo rin ang nakatanggap ng dalawa at kumita ng dalawa pa. Humukay naman sa lupa ang may isang talento at itinago ang pilak ng kanyang amo.

Pagkaraan ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga katulong na ito at hiningan silang magsulit. Kaya lumapit ang nakatanggap ng limang talento dala ang tinubong lima pang bareta…. Sumagot ang amo: Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito, Halika’t makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon…

Sa bandang huli, dumating ang nakatanggap ng isang talento at nagsabi: Panginoon…Natakot ako kaya itinago ng isang talento sa lupa. Heto ang sa iyo. Ngunit sinagot siya ng kanyang amo…Sana’y dinala mo sa bangko ang aking pilak at mababawi ko ang sa akin pati na ang tubo pagdating ko.

Kaya kunin ang talento sa kanya at ibinigay ito sa may sampu pa…Para sa walang silbing katulong, itapon siya sa dilim kung saan may iyakan at pangangalit ng ngipin.

PAGNINILAY:

Mga kapatid, ang mga biyayang tinanggap natin, hindi lamang para sa atin, kundi ito’y itinalagang maging biyaya rin para sa iba. Kaya kinakailangan ang maayos at wastong paggamit nito.  Nagiging mas masagana ang buhay kung pinupunan ng iba ang mga kulang sa atin. Ang kakayahang magbahagi sa iba kung ano ang meron tayo, at ang pagiging bukas namang tumanggap ng mga bagay na wala tayo.  Wala ni isa sa atin ang maituturing na kapus, na walang maibibigay o maibabahagi, at wala rin ni isa sa atin ang napakayaman na hindi na nangangailangan ng tulong ng iba.  Kailangan natin ang isa’t isa, ang mga kakayahang ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa sa atin – para maitaguyod ang Kanyang paghahari dito sa mundo.  Huwag nating sasarilinin ang mga kaloob na biyaya ng Diyos sa atin.  Dahil sa katapusan ng ating buhay, susulitin Niya tayo kung paano nating ginamit ang mga kaloob na ito, para sa Kanyang kapurihan at para sa paglilingkod at pagmamahal sa’ting kapwa.  Panginoon, tulungan Mo po akong pagyamanin ang mga biyaya at kakayahang ipinahiram mo sa akin.  Amen.