Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 19, 2020 – HUWEBES SA IKA-33 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 19:41-44

Nang malapit na siya sa Jerusalem at kita na ang lunsod, iniyakan ito ni Jesus: “Kung nalalaman mo lamang sana sa araw na ito ang daan sa kapayapaan! Ngunit ngayo’y hindi mo ito nakikita. Sasapit sa iyo ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, kukubkubin ka at sisikilin sa lahat ng dako. Iguguho ka nila sa iyong mga anak at walang iiwang magkapatong na bato sa iyo. Sapagkat hindi mo nalaman ang panahon ni ang pagdalaw ng iyong Diyos.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. JK Malificiar ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Kailan ka huling tumangis? Ano ang dahilan ng iyong pagtangis? Kadalasan, tumatangis tayo kapag may nangyaring masama sa mga mahal natin sa buhay o kahit sa mga taong naging malapit sa atin. Sa Mabuting Balita, tumatangis si Jesus para sa lungsod ng Jerusalem. Na-predict ni Lord ang masamang mangyayari dito. Sinasabi ni Jesus na darating ang araw na makararanas ng matinding karahasan ang Jerusalem at magiging dahilan ito ng pagkawasak ng lungsod. At totoong naganap ito nang sakupin at sirain ng mga Romans ang Jerusalem noong 70 AD, bilang tugon sa paghihimagsik ng mga Jews. Sa pagtangis ni Jesus, kapansin-pansin ang closeness niya sa Jerusalem. Malapit sa puso ni Jesus ang Jerusalem, kahit dito N’ya mae-experience, ang iba’t-ibang uri ng sufferings sa kamay ng mga Jews at religious leaders, pagpapako at  kamatayan sa krus. Malungkot si Lord, kasi alam Niya na mahalaga ang magiging papel ng lungsod sa katuparan ng Kanyang misyon para sa ating kaligtasan.// Mga kapatid, sa panahon ngayon, patuloy na tumatangis si Jesus. Tumatangis Siya dahil patuloy pa rin tayong nakararanas ng karahasan na nagiging dahilan ng pagkawasak ng maraming pamilya at mga komunidad. Alam ni Lord na ang karahasan ay nagbubunga ng karahasan. Hindi titigil ang karahasan kung patuloy itong sinasagot ng isa pang karahasan. Walang kapayapaan sa bayang tumatahak sa landas ng poot at paghihiganti. Kaya naman love and mercy ang laging nilalaman ng mga teachings ni Jesus sa Kanyang mga disciples. Ang mga ito lamang ang maaaring tumapos sa pabalik-balik na karanasan ng kasamaan at karahasan. Ang objective ng mga teachings na ito ay para mas makita nating mga tao, ang ating natural goodness at capacity na gumawa nito kaysa sa kasamaang maari nating gawin. Dahil tayo’y mga anak ng Diyos, may kakayanan tayong maging mapagmahal, maawain at mapagpatawad katulad ng ating Amang nasa langit. 

PANALANGIN

Ama, punuin mo ng pag-ibig ang aming mga puso upang sa gitna ng kasamaan, magagawa pa rin naming magmahal at magpatawad ng kapwa. Amen.