Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 19, 2021 – BIYERNES SA IKA-33 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lc 19:45-48

Pumasok si Jesus sa patyo ng Templo at pinalayas ang mga nagtitinda, at sinabi niya: “Nasusulat, ‘Magiging bahay-dalanginan ang aking bahay,’ pero ginawa ninyong pugad ng mga magnanakaw!” Araw-araw na nangangaral si Jesus sa Templo. Hangad siyang patayin ng mga punong-pari at mga guro ng Batas, kasama ang mga Matatanda ng bayan. Ngunit wala silang magawa dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Susan Peñaflor ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Mga kapatid, marami sa ating mga Katoliko ang merong altar sa ating bahay o sa ating kwarto, di po ba? Marami din sa atin ang may debosyon sa ating Panginoong Diyos, sa ating mahal na Birheng Maria at mga Santo.  Ang pamimintuho natin sa kanila ay nakatutulong sa paglago ng ating pananampalataya. Sa Mabuting Balita ngayon, narinig natin na nagalit si Hesus sa mga taong nangangalakal sa paligid ng templo.  Ang isa sa mga dahilan ay ang mga pandarayang nagaganap, tulad halimbawa ng mga nagpapalit ng pera o money changers, na ginagamit ng mga deboto sa paghahandog sa templo. Bilang Anak ng Diyos Ama, si Hesus na tagapagturo sa templo ay may kapangyarihang tawagin ang templo na kanyang bahay. Kung sa malalim na pang-unawa, si Hesus mismo, ang templo. Gayundin, tayo na mga kapatid ni Hesus, sa bisa ng tinanggap nating binyag, ay templo rin Espiritu Santo. Paano ba natin maisasabuhay ang ating pagiging Templo ng Espiritu Santo? Paano natin mapapanatiling malinis ang ating katawan, bilang isang templo? Meron po akong nakilalang isang dalaga na meron nang kasintahan. Nais niyang manatiling isang birhen, bago sila ikasal, at ito ang kanyang naging pahayag sa kanyang kasintahan. “Kung anong di dapat mangyari sa atin ay di dapat mangyari; dahil sa araw ng ating kasal, ako’y magsusuot ng trahe de bodang itim!” Iginalang ng lalaki ang kanyang hiling, hanggang sila ay makasal. Isa po itong magandang halimbawa, ng pangangalaga sa templo ng ating katawan, na huwag mabahiran ng kasalanan para matawag tayong tunay na mga anak ng ating Panginoon. Kinakailangan lang ng disiplina sa sarili, ibayong pagtitiis at taimtim na panalangin, upang tayo’y maging matatag sa ating desisyon na makakabuti sa atin. 

PANALANGIN

Amang mapagmahal, tulungan mo po kaming maging matatag sa aming pananampalataya. Maging karapatdapat nawa kaming templo ng Iyong Espiritu Santo, upang maging marapat na tawaging mga anak ng Diyos na malinis at banal. Amen.