Daughters of Saint Paul

Nobyembre 2, 2016 MIYERKULES Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon / PAGGUNITA NG LAHAT NG MGA PUMANAW NA KRISTIYANO

Mt 25:31-46

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad:  “Pagdating ng Anak ng Tao sa kanyang Kaluwalhatian kasama ang lahat niyang mga anghel, uupo siya sa maluwalhati niyang trono. Dadalhin sa harap niya ang lahat ng bansa at parang isang pastol na inihihiwalay niya ang mga tupa sa mga kambing, gayundin niya paghihiwa-hiwalayin ang mga tao. Ilalagay niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing sa kaliwa.

            Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya:   'Halikayo, pinagpala ng aking Ama! Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa simula ng daigdig. Sapagkat nagutom ako at inyong pinakain, nauhaw ako at inyong pinainom. Naging dayuhan ako at pinatuloy ninyo ako. Nang ako'y hubad, dinamitan ninyo ako; nang may sakit ako, binisita ninyo ako. Nang ako'y nasa bilangguan, dinalaw ninyo ako.'

            “At itatanong sa kanya ng mabubuti:  'Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom, isang dayuhan at pinatuloy, at walang suot at dinamitan? Kailan ka namin nakitang maysakit o nasa bilangguan at nilapitan?'  Sasagutin sila ng Hari: 'Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid ko, sa akin ninyo ginawa.'

             “Pagkatapos ay sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa  niya:  'Mga isinumpa, lumayas kayo sa harap ko tungo sa apoy na walang katapusan na inihanda para sa diyablo at sa mga anghel nito!Sapagkat nagutom ako at di ninyo binigyan ng makakain, nauhaw at di ninyo pinatuloy, maysakit at nasa bilangguan at di ninyo binisita.'

             ''Kaya itatanong din nila:  'Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom, nauuhaw, dayuhan, hubad, maysakit o nakabilanggo, at di namin pinaglingkuran? Sasagutin sila ng Hari:  'Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang di ninyo ginawa sa isa sa maliliit na ito, hindi ninyo ginawa sa akin.'         ''At pupunta ang mga ito sa walang hanggang parusa, ngunit sa walang hanggang buhay naman ang mga makatarungan.'

PAGNINILAY

Ang Mabuting Balitang ating narinig, tila nakakatakot.  Bakit?  Dahil nagsasaad ito ng wakas ng panahon, ang oras kung saan lahat ng nasa sanlibutan, magtatapos. At lahat tayo, mahahatulan pagkatapos nang maikling buhay na pinahiram sa atin ng Diyos.  Pero nakakatakot lamang ito kung tayo ang mga “kambing” na sinasabi sa Ebanghelyo.  At mangyayari lamang ito kung hindi natin nakikita si Jesus sa iba.  Kahapon, sa ating pagninilay, binanggit natin na dapat tayo’y maging Jesus sa iba.  Ngayon naman, inaanyayahan tayo na makita si Jesus sa ating kapwa, lalo na sa mga mahihirap.  Kapatid, hindi sapat na maging Jesus ka lang.  Dapat nakikita mo rin si Jesus sa iyong kapwa.  Dahil kung nakikita mo si Jesus sa’yong kapwa, kahit ano pa man ang kanyang katayuan sa buhay, hindi mo siya magagawang lokohin, alipustain, at saktan.  Sa halip habag, awa at malasakit ang mananaig sa’yong puso.  Mga kapatid, kung nais nating maging karapat-dapat sa Kaharian ng Diyos, tratuhin natin ang lahat na parang si Jesus.  Panginoon, marapatin Mo pong makita kita sa puso ng bawat tao.  Amen.